NAPAIYAK at naging emosyunal mismo si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa pagkadismaya sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa iligal na droga.
Masama ang loob ni Bato dahil sa kahihiyan na inaabot ng PNP mula sa mga sangkot na pulis sa iligal na droga.
Nauunawaan ko ang damdamin ni Bato dahil siya ang namumuno sa PNP at ginagawa niya ang lahat upang malinis ang imahe at mas maging maganda ang performance ng mga pulis sa bansa.
Sa panig ni Dela Rosa ay inaksiyunan naman agad ang mga nasangkot na pulis partikular ang pag-relieve sa puwesto ng CIDG 8 na sangkot sa pagkakapatay kay Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr.
Pero naghihintay ang publiko kung kailan naman kaya natin mababalitaan na may nasampolang pulis mismo na nagsilbing protektor ng sindikato ng droga.
Sana, isang araw ay magkaroon ng balita na may nagtangkang lumaban na mataas na opisyal ng PNP na protektor ng droga na napatay dahil sa lumaban ito habang nasa loob ng Camp Crame.
Sa panahong ito, dapat ding kalampagin at tutukan ang Internal Affairs Service (IAS) na nag-iimbestiga sa mga kaso ng pulis.
Mas bilisan pa ng IAS ang pagdesisyon sa kaso ng mga pulis upang agad na mapanagot o mapatalsik sa serbisyo kung napatunayang guilty .
Kung makupad kasi ang IAS sa pagresolba sa mga kaso ng pulis ay mas mahihirapan talaga si Bato na maiahon at malinis ang masamang imahe ng PNP sa mata ng publiko.
Kung agaran ang parusa sa mga nagkasalang pulis ay maaring makatulong ito upang manumbalik ang tiwala ng publiko sa PNP.