Anti-Marcos group: ‘Natulog sa pansitan’
BUONG bansa ay ginulat sa sopresang paglilibing kay dating Pres. Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ang pinakamasaklap dito, ang malaking naisahan ay mga anti-Marcos group dahil hindi nila inakala na agad ipalilibing ang yumaong Presidente.
Mismong ang Korte Suprema ang naglinaw na wala naman palang balakid sa paglilibing. Ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay 9-5-1.
Lumitaw na “natulog sa pansitan’’ ang mga anti-Marcos dahil makalipas ang 10 araw ng desisyon ng Korte Suprema ay hindi nakakapaghain ng motion for reconsideration ang mga nagpetisyon.
Wala nang habol ang mga anti-Marcos dahil nailibing na ang dating Presidente at hindi rin sila makakahirit ng contempt dahil wala namang temporary restraining order (TRO).
Wala rin namang makakapigil sa mga grupong tutol sa paglilibing na maglunsad ng mga kilos protesta pero sana, huwag na silang mandamay ng mga inosente at huwag nang makapaminsala ng iba na walang pakialam sa nasabing pangyayari.
Dapat higpitan ang mga kilos protesta. Kailangan muna ng permit upang makatiyak na hindi sila makakasagabal sa iba pang mamamayan na hindi kasama sa kanilang ipinaglalaban.
Para sa pangkaraniwang mamamayan, makabubuting tapusin na ang ingay ng nasabing usapin sa Marcos burial dahil ito ay nailibing na. Dapat ilibing na rin ang isyu at hayaan na lang ang kasaysayan ang humatol dito.
Sana, makausad na ang lahat ng mga naka-pending na kaso laban sa mga Marcos. Bilisan ang pagresolba para mabigyan ng katarungan ang mga sinasabing biktima ng karahasan sa panahon ng martial law.
- Latest