MARAMI ang nagmamaliit sa sardinas. Ngunit sa katunayan, ang sardinas ay isa sa pinakamasustansyang pagkain sa buong mundo. Isang klase ng pagluto ng sardinas ay ang spaghetti sardines. Simple lang ang pagluto nito.
1. Maglagay ng konting mantika.
2. Igisa ang bawang at sibuyas.
3. Ilagay ang 2 lata ng dinurog na sardinas na may tomato sauce. Lutuin ng 5 minuto.
4. Pagkatapos, ilagay ang lutong spaghetti noodles at ihalo ito sa sahog na sardinas. Masarap ito.
Ano ang benepisyo ng sardinas?
1. May Omega 3 fatty acids – Ang sardinas ay sagana sa Omega 3. Ayon sa American Heart Association, ang Omega 3 ay nagpapataas ng good cholesterol at pinoprotektahan ang ating puso, utak at ugat. Dahil dito, makaiiwas tayo sa atake sa puso at sa istrok.
2. May Coenzyme Q10 – Alam ba ninyo na ang sardinas ay may mataas na lebel ng Coenzyme Q10, isang anti-oxidant na nagpapalakas ng katawan.
3. May Calcium – Ang calcium mula sa sardinas ay nagpapatigas ng ating buto. Kapag sasabayan ito ng ehersisyo, mas titibay ang ating buto at makaiiwas sa osteoporosis. Kaya maganda ito sa kababaihan.
4. May Vitamin D – Ang sardinas ay kabilang sa iilan lamang na mga pagkain na may vitamin D. Napakahalaga ng vitamin D at tumutulong ito sa pag-absorb ng calcium ng ating katawan.
5. May Vitamin B12 – Bukod sa calcium at vitamin D, ang sardinas ay may Vitamin B12 para sa kalusugan ng ating mga ugat (nerves), utak, at spinal cord. Ang vitamin B12 ay nagpapalakas din ng katawan at tumutulong sa paggawa ng dugo.
6. May Phosphorus – Ang sardinas ay may taglay ding phosphorus, na kailangan para tumigas ang ating buto at ngipin.
7. Para sa mga nag-di-diyeta– Dahil mababa sa calories and sardinas, puwede ito sa mga taong nag-papapayat. Mataas ito sa protina na nagbibigay sa atin ng lakas (energy).
8. Para sa masustansyang ulam, piliin ang delatang sardinas na may tomato sauce. Ang kamatis ay may sangkap na lycopene at beta-carotene na makatutulong sa pag-iwas sa sakit sa puso, kanser sa prostata at kanser sa bituka.
Konting pag-iingat: Kung kayo ay may sakit sa bato o may gout, ipaalam muna sa doktor kung puwede kayo kumain ng sardinas.
Ngunit para sa karamihan ng Pilipino, napakasustansya ang pagkain ng sardinas. Subukan ito.