SI Melina Salazar, isang Mexicana ay pitong taon nang naglilingkod sa Luby’s restaurant bilang waitress. Ang restaurant ay matatagpuan sa Brownville, Texas. Araw-araw ay kumakain sa restaurant si Walter Buck Sword, isang 89 years old na World War II veteran. Pero ang matandang beterano ay mahilig magmura sa mga waitress kapag may hindi siya nagustuhan sa serbisyo ng mga ito. Lahat ng waitress ay umiiwas na pagsilbihan ang matanda. Si Melina lang ang hindi umiiwas sa matanda.
Sa kabila ng nakakairitang ugali ni Sword, matiyaga siyang pinagsisilbihan ni Melina. Sinusunod niya ang lahat ng gusto ni Sword—ang temperatura ng sabaw o kape ay dapat na nakakapaso ng dila. Kung hindi ito nakakapaso, nagagalit ang matanda at magmumura ito.
Inuunawa ni Melina ang inuugali ng matanda kahit nakakapikon na ito. Isang araw hindi na kumain sa restaurant ang matandang masungit. Minsan, isang kasamahan sa trabaho ang nakabasa ng pangalan ni Sword sa obituary section ng diyaryo.
Lingid kay Melina, siya lang pala ang nag-iisang tao na nagparanas kay Sword ng kabaitan dito. Ito ang nakasulat sa liham ni Sword kay Melina bago ito namatay. Bilang ganti sa kabutihan ng waitress na nagtiyaga sa masama niyang pag-uugali, pinamanahan niya ito ng $50,000 at Buick car, isang upscale automobile brand ng American manufacturer General Motors. Natanggap ni Melina ang pamana sa kanya ni Sword bago sumapit ang Pasko noong 2008.
Be kind to old people. God willing, you’ll be one someday.