ISANG dambuhalang “UFO” (unidentified flying object) ang nag-crash sa isang minahan sa Myanmar at hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ang pinanggalingan nito.
Wala namang nasaktan sa pangyayari pero sa sobrang lakas ng pag-crash ng hindi pa natutukoy na bagay mula sa kalangitan ay nayanig ang mga bahay na malapit sa pinagbagsakan nito.
Hugis bariles ang dambuhalang “UFO” na may habang 4.5 metro at lapad na 1.2 metro.
Gawa ang “UFO” sa metal at ayon sa mga residenteng lumapit dito ay mayroon daw itong masangsang na amoy.
Hindi pa alam kung ano talaga ang bumagsak na bagay at kung saan ito galing pero may hinalang bahagi ito ng isang Chinese satellite.
May mga nakasulat kasing Chinese characters sa “UFO” na bumagsak at kamakailan lang ay nagpalipad ang China ng isang rocket upang dalhin ang isa sa kanilang mga bagong satellite sa kalawakan.
Ngunit bukod sa mga kuro-kurong ito ay hindi pa rin sigurado ang mga kinauukulan kung ano talaga ang katotohanan sa likod ng “UFO” na bumagsak sa kanilang lugar.