Hindi na matatapus-tapos ang mga nakatagong kontrabando sa loob ng Bilibid sa Muntinlupa.
Sa nakalipas lamang na ilang araw matapos ang serye ng isinagawang ‘Oplan Galugad’ sa piitan nasa 20 matataas na kalibre ng baril at 10 sako ng mga patalim ang nasamsam ng raiding team ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP,SAF) at Bureau of Corrections (BuCor).
Ang operasyon ay isinagawa, ayon kay BuCor director Rolando Asuncion , simula noong Nobyembre 9 hanggang 14,kung saan nga ibat-ibang uri ng mga matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska nila mula sa ilang preso ng NBP.
Eto pa, may nakuha pang machine gun, kasama pa ang mga caliber .45, .9mm pistol at shot gun.
Bukod pa nga dito, saku-sako na mga improvised na patalim at 3 granada ang nakuha. Lima pang granada ang sinasabing nasa loob at itinatago ng ilang preso na ito ngayon ang traget pa ng panibagong operasyon.
Aba’y paano naipasok ang mga ganitong uri ng armas sa piitan kung hindi walang ‘basbas’ ng mga bantay.
Marahil ay panahon na para tutukan ng matinding pag-aaral na mailipat na ang pambansang kulungan sa labas ng Metro Manila.
Mukhang masydao ng pamilyar ang mga bilanggo sa Bilibid, pati mga bantay dito na matagal na rin nilang nakasama nagkakaroon na sila ng kumpiyansa sa isat-isa at dito nagsisimula ang kaluwagan dahil sa pakisamahan.
Kung sa bagong lugar maninibago sila, bukod pa marahil kung papalitan na ang mga bantay at iba naman.
Maiiwan pa nila marahil ang mga itinago nila sa sulok-sulok ng Bilibid.