FLASH Report: Hindi talaga mapigilan ni Cavite provincial director Sr. Supt. Arthur Bisnar ang umaalagwang saklaan ni Aileen Villanueva sa sakop niya. Kung sabagay, si Villanueva ay front lang ng saklaan nina alyas Bonnie at PO1 Joseph. Paano naman napahinto ang saklaan nina Bonnie at PO1 Joseph kung nakatimbre sila kay Bisnar, PRO4-A director Chief Supt. Valfrie Tabian, kay “imbudo” Jojo Caringal at iba pang operating unit ng PNP at gobyerno ni President Duterte? Hehehe! Kanya-kanyang bukas ng palad lang ‘yan, di ba mga kosa? Ayon sa mga kosa ko ang saklaan ni Bonnie ay matatagpuan sa Rosario, at Kawit, samantalang ang kay PO1 Joseph ay sa Cavite City, Tanza, Noveleta, sa sabungan sa Indang at sa Amadeo. Ang putok lang sa Cavite ay pangalan ni Villanueva bilang front nina Bonnie at PO1 Joseph. Baka management si Villanueva kaya sa kanya rin dumadaan ang weekly payola ng mga operating units ng PNP at GAB, NBI at opisina ni Interior Sec. Mike Sueno?
* * *
Maagang napasabak sa pulitika si PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa imbestigasyon ukol sa panonood niya at kanyang pamilya sa laban ni Sen. Manny Pacquaio vs Jesse Vargas sa Las Vegas. Sa totoo lang, hati na naman ang opinion ng mga Pinoy ukol dito at sa katunayan mababasa naman sa diyaryo at maging sa social media ang tungkol dito. Sa mga disipulo ni Digong, siyempre pabor sila kay Bato samantalang marami rin ang pabor sa motu propio na imbestigasyon na inutos ni Ombudsman Conchita Morales-Carpio. Ang isyu kay Bato at ang paglilibing kay former Pres. Ferdinand Marcos ang hot topic sa ngayon at kung gagawing basehan ang mga isyu para bang mahirap nang magkasundo ang mga Pinoy, di ba mga kosa? Kasi ang giit ng mga maka-Duterte, bakit si Bato ay inimbestigahan ng Ombudsman subalit si Sen. Leila de Lima na itinuturong sangkot sa malawakang pagbebenta ng droga sa National Bilibid Prison (NBP) ay iwas-pusoy si Carpio. Hindi lang yan! Hindi rin daw iniangat ni Carpio ang kamay na bakal niya sa madalas na fund raising campaign ni Vice Pres. Leni Robredo sa abroad. Punyeta! May kinikilingan si Carpio sa gusto niyang imbestigahan? Ano sa tingin n’yo nga kosa?
Sa totoo lang, wala namang complainant laban kay Bato dahil mismong si Sen. Pacquiao ay umamin na kusang-loob niyang ibinigay ang pondo dahil “ganyan kami sa Bisaya.” Pero ang iginigiit naman ng kalaban ni Digong ay nagkaroon ng utang na loob si Bato kay Pacquiao. Hindi lang ‘yan? May iniungkat pang batas ang mga kalaban ni Digong at sa katunayan may limang nilalang nang nahatulan dahil sa ganun na ring sistema ng “tulong.” Hinikayat ni Pacquiao ang Ombudsman na itutok na lang ang kanilang attention sa mga tiwali sa gobyerno samantalang si Bato naman ay nangako na haharapin niya ang akusasyon laban sa kanya. Punyeta! Ang huling balita ay pati si Pacquiao ay mapaparusahan ukol dito. Ngeeek! Tumulong na nga lang eh!
Sa totoo lang, biktima lang ng pulitika si Bato. Sa kasagsagan kasi ng kampanya niya laban sa droga, may pumutok na balita na tatakbo siya sa Senado sa 2019. Ginatungan pa ito ni Digong nang sabihin niyang itutulak si Bato na tumakbo bilang Presidente matapos ang termino niya, hehehe! Walang pinagkaiba ang sitwasyon ni Bato kay former Vice Pres. Jojo Binay na walang humpay na inatake ng mga kalaban gamit ang kung anu-anong isyu hanggang sa matalo siya sa nakaraang election, di ba mga kosa? Kaya dapat mag-ingat na si Bato dahil lahat nang isyu ay dadamputin ng mga kalaban ni Digong para ibato sa kanya at bumaba ang pogi points niya hanggang sa komonti ang suporta niya sa darating na 2019 election. Aabutin din kaya ni Bato ang sinapit ni Binay? Sinabi ng mga kosa ko na ang isang isyu na maaring ibato ng kalaban kay Bato ay ang patuloy na tong collection ng PMA Class ’86 sa mga pasugalan, di ba Chief Supt. Eliseo Rasco at Baby M. Sir’s? Abangan!