SA una ay aakalaing basura lang ang mga nakakalat na toilet paper sa mga kalsada ng isang lungsod sa Colorado ngunit kung susuriing mabuti, makikitang sadyang ginamit ang mga ito sa pagkukumpuni ng mga lubak-lubak na daan doon.
Kaya naman marami sa mga residente ng Littleton, Colorado ang nagtataka kung bakit toilet paper ang gamit para sa pagsasaayos ng kanilang mga kalsada.
Ayon sa isang opisyal mula sa lokal na pamahalaan ng lugar ay gumamit sila ng toilet paper dahil epektibo ang mga ito sa pagsipsip ng sobrang langis na nanggagaling mula sa alkitran na ipinantatapal sa mga lubak.
Sa pamamagitan nito, hindi malalahiran ng langis ang mga sapatos ng mga dumadaang pedestrian at ang mga gulong ng mga sasakyan.
Napapabilis din ng toilet paper ang pagtuyo ng alkitran kaya puwede kaagad padaanin ang mga motorista matapos matapalan ang mga lubak.
Matapos ang ilang araw, mawawala rin naman daw ang mga ito sa daan dahil biodegradable ang ginamit nilang toilet paper, ayon sa opisyal.
May ilang mga materyales na pinagpilian para sa pagsipsip ng langis ngunit ang toilet paper daw ang napili ng lokal na pamahalaan dahil bukod sa epektibo ay mura pa ito, ayon sa tagapagsalita ng Littleton na si Kelli Narde.