Dagok pa rin sa mga biktima ng ‘Yolanda
Kahapon ang ika-3 taon matapos na manalasa sa bansa partikular sa Eastern at Central Visayas ang Supertyphoon Yolanda.
Sa mahabang panahon na ito, marami pa ring mga naging biktima ng bagyo ang wala pa ring maayos na tirahan.
Sa loob ng tatlong taon, ayon na rin sa DSWD mahigit pa sa 200,000 Yolanda victims ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang emergency shelter assistance.
Kahapon sa paggunita sa naganap na trahedya mismong si Pangulong Digong ang nagpahayag ng matinding pagkadismaya.
Ito ay dahil nga sa iilan pa lang ang nakatira sa relief houses ng pamahalaan.
Hindi pa rin nailalabas ang mahigit sa P20 bilyon na nakalaan bilang housing assistance ng pamahalaan mula noong Hunyo sa mga biktima ng bagyo.
Hindi lang si Pangulong Duterte ang nadidismaya, kundi lalo na ang mga mismong naging biktima ng bagyong Yolanda.
Noon pa man ay ipinaabot na nila sa nakaraang administrasyon ang kanilang hinaing na tulong.
Pero ilang taon na ang nakalipas marami pa rin ang naghihintay ng tulong.
Hanggang sa ngayon para sa nakakaraming biktima ng bagyo, dagok pa rin ang kanilang dinadanas.
Na bagamat marami ang nagkaloob ng tulong pero hanggang sa ngayon tila hindi pa ito umaabot sa kanila.
Kaya nga ang tanong nasaan daw ang mga ipinaabot ng tulong ng ibat-ibang bansa, grupo at sektor.
Masakit umanong isipin na naging biktima na sila, tila ‘nanakawan’ pa sila.
- Latest