Paano ba makatitipid sa medikal na gastusin? Sundin ang mga payong ito.
1. Pumili ng isang magaling na family doktor. Ito iyung doktor na mamamahala sa lahat ng inyong gamutan. Kaya ng isang doktor na gamutin ang karamihan ng inyong karamdaman.
2. Magtanong sa doktor tungkol sa generics na gamot at murang gamutan. Huwag mahiya. Kung P30 lang ang inyong budget para sa gamot sa isang araw, sabihin ito sa doktor at siya na ang bahalang magkasya nito para sa inyong sakit.
3. Itago ang lahat ng laboratory exams sa isang medical folder. Napakahalaga nito para hindi ulit-ulitin ang inyong lab tests. Kapag nawala ang inyong lab results, nawala na rin ang inyong perang ginastos.
4. Gumamit ng senior citizen card. Kapag kayo’y lampas 60 years old, puwede kayong makakuha ng 20% discount sa botika. Siguraduhing kumpleto ang reseta at sapat ang bilang ng gamot na nireseta ng inyong doktor.
5. Mag-enroll sa PhilHealth. Sa halagang P100 bawat buwan, may PhilHealth card na kayo. Malaki ang maitutulong ng PhilHealth card kapag kayo’y ma-ospital. Aabot sa P20,000 ang maaawas sa inyong bayarin sa ospital. Siguraduhing kumpleto ang lahat ng Philhealth requirements habang nasa ospital.
6. Kung kayo’y papasok sa ospital, pumili ng maliit na kuwarto, semi-private room o kaya sa wards na lang. Tandaan: Ang gastos ninyo sa gamot, sa pag-opera at sa bayad sa doktor ay naka-base sa laki ng inyong kuwarto. Pumili ng murang kuwarto at siguradong makatitipid kayo nang malaki.
7. Siyempre, kailangang umiwas sa mga bisyo para hindi magkasakit. Bawal magkasakit, kaya bawal din ang sigarilyo at sobrang alak. Kumain din ng gulay at prutas para lumakas ang inyong katawan.
8. Sa mga edad 40 pataas, magpa-check up bawat taon kahit wala namang nararamdaman. Ayon sa pagsusuri, ang taong laging nagpapa-check up sa doktor ay nakadadagdag ng 3 taon sa kanilang buhay. Kapag maagang malaman ang sakit, madali itong gamutin at mura pa ang gastos.
9. Magbasa ng health articles at manood ng health shows tulad ng Salamat Dok ng ABS-CBN. Tandaan, ang pasyenteng may tamang kaalaman ay mas humahaba ang buhay. Good luck.