Pinakamaikling international flight sa mundo, wala pang 8 minuto katagal

ISANG Austrian airline ang nag-aalok na ngayon ng isang biyahe na sinasabing pinakamaikling international flight sa mundo.

Wala pa kasing walong minuto ang itatagal ng flight na inialok ng People’s Viennaline na magkokonekta sa St. Gallen-Altenrhein airport sa Switzerland at sa Friedrichshafen airport na nasa southern Germany.

Didiretso pa hanggang Cologne, Germany ang biyahe ngunit maaring piliin ng pasahero na bumaba na sa Friedrichshafen airport kung kailangan lang niyang tawirin ang Lake Constance na binabagtas ng ruta.

Nagkakahalaga ng 40 euros (katumbas ng P2,142) ang sandaling biyahe.

Tutol naman ang mga environmentalists sa bagong ruta na sinimulan nang ialok sa mga pasahero ngayong linggong ito.

Makakasama raw kasi sa kapaligiran ang labis na usok na manggagaling sa eroplano para lang sa isang napakaikling biyahe.

Bumuwelta naman ang airline company na magkasindami lang ang usok na magmumula sa walong minutong biyahe ng eroplano at ang usok na magmumula sa isang oras na biyahe ng mga kotseng kailangan pang ikutin ang paligid ng lawa.

Show comments