ILANG ulit na ba nating maranasang magka-pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan? Huwag na hindi mabangga ang anumang parte ng ating katawan sa matigas na bagay at tiyak na magkakaroon tayo ng pasa.
Nagkakaroon ng pasa ang ating katawan kapag ang ugat sa ilalim ng balat ay sumabog o pumutok. Sumisiksik ang dugong lumabas sa ugat sa mga katabing tissue, at ito ang nagdudulot ng pangingitim o pangangasul ng balat. “Bruise” kung tawagin ang mga pasang ito.
Lumalabas ang mga pasa kapag tayo ay nabunggo, bumagsak, nahulog, o nasuntok. Minsan nga, kahit ang pagkuha ng dugo sa braso ng mga med tech ay nag-iiwan din ng pasa. “Hematoma” ang terminong medikal natin para sa pasang ganito. Ibig sabihin, nabutas ang ugat dahil sa pagkulekta ng dugo para sa mga gagawing lab test at nag-leak ang dugong nasa loob ng ugat patungo sa mga tissue sa dakong braso.
Ang mga taong umiinom ng aspirin (‘yung mga taong may alta presyon at ayaw magka-stroke) ay madaling magpasa.
Kung nasuntok ang gawing mata sa anumang dahilan, tiyak na mangingitim ito at mamamaga. Ang “black eye” ay isang klase ng pasa. Kung nagka-black eye ka, lagyan agad ng yelo ang paligid ng mata at inspeksyunin ang mata kung may pagdurugo dito. Kung may pagbabago sa iyong paningin, o kung hindi mo maigalaw ang mata sa iba’t ibang direksyon, magpakonsulta na.
Mga puwedeng gawin kung magkakaroon ng mga pasa:
Maglagay ng yelo o cold compress sa apektadong lugar kada 1-2 oras. Gawin ito sa loob ng dalawang araw para matulungan ang mga ugat na kumitid at mabawasan ang pamamaga.
Kung posible, iangat ang area ng katawan na may pasa sa taas ng iyong puso. Mababawasan ang dugo sa area na may pasa.
Ipahinga ang kamay o paang may pasa para hindi na ito maabuso pa
Kung masakit pa rin ang pasa makalipas ang 48 oras, maglagay ng warm compress, bote na may mainit na tubig, o heating pad sa apektadong bahagi.
Kumunsulta sa doctor kapag:
May mga senyal na ng impeksyon gaya ng matinding pangingirot, pamamaga, pamumula
May kasamang paglalagnat ang pagpapasa, at walang matukoy na dahilan para sa lagnat
Tumitindi ang kirot habang nagtatagal o kung hindi mo na talaga maigalaw pa ang apektadong bahagi.
Laging nagpapasa o kung paulit-ulit ang pagkakaroon mo ng di-maipaliwanag na pagpapasa (ibig sabihin, hindi naman nasaktan, nabugbog, nahulog, o nabunggo)
Kung nakaramdam nang matinding kirot sa mismong bola ng mata kaysa sa eye socket o sa butong nakapaligid sa mata.