Tinaguriang ‘lucky chicken’ sa Japan, 3 beses nakaligtas sa kamatayan

ISANG tandang na tinaguriang “lucky chicken” ang atraksyon ngayon sa isang zoo sa Japan matapos mapabalitang tatlong beses itong nakaligtas mula sa bingit ng kamatayan.

Dahil dito, itinuturing nang isang celebrity ang tandang na si Masahiro sa Osaka kung saan nagsilbi na itong honorary “chief” ng mga pulis doon noong isang buwan lang.

Nagsimula ang lahat nang itakdang ipakain si Masahiro sa mga alagang raccoon ng Tennoji Zoo ngunit ito’y naudlot nang kailanganin ang tandang para sa pag-aalaga ng isang pato na nawalan ng inahin.

Pagkatapos nito, itinakda muling ipakain sa ibang hayop si Masahiro nang ginawa itong pain para sa isang weasel na umaatake sa mga alagang ibon ng zoo.

Mabuti na lang at hindi na muling nagpakita ang weasel pero naisip ng mga namamahala ng zoo na ipakain na lang si Masahiro sa mga tigre at leon.

Ngunit hindi na natuloy ito kaya sa pangatlong pagkakataon ay nakaligtas ang tandang mula sa kamatayan.

Noon na napagtanto ng mga namamahala ng zoo na may kakaiba kay Masahiro kaya nagpasya na silang alisin na mula sa pagiging pakain ang masuwerteng tandang.

Mula noon, naging isa na sa mga tampok na hayop ng zoo si Masahiro lalo na para sa mga bisitang gustong mahawaan ng suwerte ng tandang.

Inaasahang mas lalo pang sisikat si Masahiro lalo na’t ang paparating na taong 2017 ay Year of the Rooster ayon sa Chinese zodiac.

Show comments