NAGPAPANSIN lang ‘yan! Ito po ang mga katagang namumutawi sa bibig ni Chief Supt. Eliseo Rasco ukol sa pagbubulgar ng Supalpal sa malawakang role niya sa tong collection raket ng PMA Class ’86 sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Ang dagdag pa ni Rasco, hindi sila natitinag dahil wala namang nagbabasa ng PM tabloid. Araykupoooo! Si Rasco ang itinuturo ng mga kosa ko sa Camp Crame na may hawak kay alyas Baby M., ang dating bagman ni ret. Gen. Marcelo Garbo, ang isa sa limang pulis na inakusahan ni President Digong na sangkot sa droga. Sinabi pa ng mga kosa ko na itong si CIDG director Chief Supt. Roel Obusan ay walang alam tungkol sa pitsa at si Rasco ang pumapel sa tong collection dahil d’yan s’ya lumaki sa CIDG. Sanggang dikit ni Rasco si Baby M. Kaya’t ayaw ni Rasco umalis sa CIDG dahil nabubukulan niya si Obusan sa mga lubog na puwesto ng sugal, paihi at oil smuggling, na sila lang ni Baby M. at ang kolektor na si Jr Magkalas ang nakakaarok. Get’s n’yo mga kosa? Kaya’t kahit ruling class sila dahil sa katauhan ni PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” de la Rosa manatilihin na lang ni Rasco na sa CIDG magpalamig dahil mas maraming pitsa run. Hehehe! Kung sabagay, inabutan na lang nina Obusan at Rasco ang tong collection raket sa CIDG ni Baby M., di ba mga kosa?
Kung hindi natitinag si Rasco sa pagbubulgar ko sa tong collection ng PMA Class ’86 sa CIDG, tiyak hindi din niya papansinin itong iniutos ni Digong na malawakang lifestyle check sa lahat nang empleado ng gobyerno. Nagbanta kasi si Digong na walang sasantuhin sa kagustuhan niyang lipulin ang mga corrupt sa hanay ng kawani ng gobyerno. Dapat unahin ni Digong sa lifestyle check niya sina Obusan at Rasco at tiyak may matutuklasan siya, di ba mga kosa?
Punyeta! Kung sa kaklase niyang si Bato bagyo ang dating nina Obusan at Rasco, kay Digong kaya ganun din? Kung sabagay, lumang plaka na ang lifestyle check dahil naririnig ko na rin ito sa mga past presidents subalit wala namang nakasuhan o naparusa-han man lang. Hehehe! Tiyak ganun din sa panahon ni Digong kaya may katwiran sina Obusan at Rasco na magkuya-kuyakoy lang at ‘wag pansinin ang lifestyle check, di ba mga kosa? Tiyak ‘yun!
Kaya naman pala nagyayabang si Rasco na hindi binabasa ang PM ay dahil hindi na kasama ang Supalpal sa mga kini-clippings ng PIO sa Camp Crame sa mga balitang ikinakalat nila sa kampo. Ganito kasi ‘yan mga kosa! Tuwing umaga kasi inii-scan ng mga PIO personnel ang lahat ng diyaryo at kapag may lumabas na ba-lita tungkol sa PNP, ginugupit ito at kini-clippings bago ipasa sa samu’t saring opisina sa Camp Crame. Subalit nitong nagdaang mga araw, sinabi ng kosa ko na diyarista na hindi na kasama ang Supalpal sa clippings at nababasa na niya ang mga ibinubulgar ko sa Facebook. Sinabi din ng kosa ko sa CIDG na bawal na din ang Supalpal sa opisina ni Obusan. Hehehe! O hayan, mga kosa! Alam n’yo na kung bakit walang nagbabasa ng PM, lalo na sa Supalpal!
Sa pagkaalam ko, abo’t langit ang pagsisigaw ni Bato na ang liderato niya ay magiging transparent. Subalit mukhang ang gusto lang ni Bato ay pabor sa kanya ang mga balitang lumalabas sa diyaryo at kapag negatibo, lalo na ang tong collection ng PMA Class ’86 sa CIDG, ay ayaw n’ya. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa? Tumpak!
Kung namamaos si Bato sa kasisigaw na isusunod niya ang illegal gambling matapos ang kampanya laban sa droga, bakit hindi niya tuldukan muna ang tong collection sa CIDG na ang mga nasa likod ay mga mistah n’ya? Kapag nabuwag kasi ni Bato ang tong collection nina Rasco at Baby M., tiyak madagdagan ang pogi points niya at maging behikulo n’ya ito sa pagtakbo n’ya sa Senado sa 2019, di ba mga kosa? Habang tumatagal kasi ang kumbinasyon nina Rasco at Baby M., kumakalat ang duda na may kinalaman si Bato rito. Hehehe! Pasasaan ba’t mapapansin din ni Digong ang raket nina Rasco at Baby M. Abangan!