Pag-aalis ng police checkpoints

MARAHIL ay napikon na si President  Rodrigo Duterte sa dami ng mga reklamong natatanggap hinggil pangongotong sa mga ikinasang checkpoints ng PNP sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Dahil dito agad na kumilos ang PNP at ipinabubuwag na ang mga tinatawag na fixed police checkpoints sa buong bansa.

Ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa ay tatapusin na ang mga fixed checkpoints sa halip ay mobile checkponts na lang ang ipatutupad ng PNP.

Sa totoo lang, talaga namang nagiging daan naman ng korapsiyon ang police checkpoints na ‘yan at ang madalas na biktimahin ay ang mga delivery truck na may kargamentong produkto.

Sa katunayan, may nakakausap akong mga negosyante na lumilitaw na SOP na ang pagbibigay ng pera sa police checkpoints.

May inilaan na budget para sa police checkpoints ang mga driver ng delivery truck.

Mas magiging epektibo pa nga ang mobile checkpoints dahil hindi nakapirmi sa isang lugar ang mga police kung kaya maaring mabulaga pa nga ang mga kriminal o nagbabalak na maghasik ng kaguluhan o krimen.

Kung fixed checkpoints nga naman ay kabisado na rin ito ng mga kriminal ang mga daanan na dapat iwasan upang hindi mabulilyaso.

Sana ay makipag-ugnayan na lang ang PNP sa mga biyahero upang lihim na subaybayan at hulihin ang mga nangongotong na pulis na sumisira sa imahe ng PNP.

Show comments