WALONG taon si Nina nang matanggal sa trabaho ang kanyang ama. Noon ay dalawang taon na walang permanenteng trabaho ang kanyang ama. Paekstra-ekstra lang sa pagtataksi o pagtatraysikel. Dating OFW ang kanyang tatay pero may nakaaway sa barkong pinagtrabahuhan, nagkademandahan sila ng nakaaway niya at parehong nasuspinde sa trabaho. Ang nanay naman niya ay may ukay-ukay na negosyo na hindi naman kalakihan ang kinikita.
Bunga nito, lagi silang hindi makabayad sa renta ng apartment na tinitirhan nila. Natatandaan niya ay tatlo hanggang limang beses silang napapalayas sa apartment dahil naipon na ang utang nila. Unti-unting naubos ang gamit nila sa bahay dahil iyon ang ipinangbabayad nila sa landlady.
Minsan napilitan silang tumira sa isang lumang bungalow na may basement. Kahit creepy ang hitsura ng bahay, may choice pa ba sila ? Bukod sa mura ang upa, hindi na sila hiningian ng advance at deposit. Basta’t magbayad sila after one month. Ang bait ng landlady. Sabi ng kanyang ina, mamarapatin pa niyang tumira sa haunted house kaysa tumira sa kalye nang sabihin niya:
“Marami sigurong multo sa bahay kaya hindi mahigpit sa bayad ang may-ari.”
Unang gabi pa lang, may naririnig silang tumatalbog na bola sa basement. ‘Yun bang parang may nagdi-dribble. Bumaba ang ama ni Nina sa basement. Sumunod siya. Nagsalita ang kanyang ama na parang may kinakausap:
“Aba, gabi na. Tigil na ang pagbabasketbol, maingay…hindi kami makatulog”
Pagkasabi noon, muling pinatay ng kanyang ama ang ilaw at saka sila pumanhik. Mabait ang multo. Hindi na naglaro ng bola magdamag. Ngunit may araw na salbahe. Habang naliligo si Nina sa banyo, ang shower curtain ay kusang nagbubukas at nagsasara na parang nilalaro ito. Kahit aware siya na multo iyon na kasamang nakatira sa bahay nila, naroon pa rin ang takot. Bigla siyang papalahaw nang iyak at manginginig sa takot. Noong naipon ulit ang utang nila sa renta, muli silang pinalayas sa haunted house. Para kay Nina, iyon na ang pinakamasayang pagpapalayas sa kanila. Nagba-bye pa siya sa multo na ang pakiramdam nila ay isang batang lalaki. Ang lagi kasing nawawala ay laruan ng kuya niya at mga kendi na itinatago nila sa garapon.
Nanalo sa kaso ang kanyang ama. Napatunayang ang may kasalanan ay ang nakaaway nito. Tinanggal ang suspension sa kanya. Muling nakabalik ang kanyang ama sa kompanyang pinaglingkuran. Gumaan ulit ang kanilang kabuhayan. Ngayon ay may sarili na silang bahay.