Araw-araw na lang na aberya!

Mabuti-buti na lang at nagsimula na ang semestral break ng maraming paaralan,  kaya nabawasan nang bahagya ang mga  pasahero sa lansangan partikular ang mga mananakay ng MRT.

Naku,  kung hindi, laking abala at kalbaryo na naman ang inabot ng maraming estudyante at iba pang mananakay dahil na rin sa halos araw –araw na yatang aberya sa tren at operasyon nito.

Kahapon nagpatupad ng provisional service ang pamunuan ng MRT dakong alas-2 ng hapon mula sa Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue Station lamang.

Nagkaroon na naman kasi ng signaling problem na nagsanhi ng service interruption  kaya ayun, gaya ng dati nang nangyayari pinababa ang mga pasahero.

Mukhang nadadalas na ang problema sa MRT, iba-iba na ang nagiging dahilan na labis na naaapektuhan ang daan-daang libo na mananakay.

Nakakaawa na ang mga pasahero nito, lalu na kung umaga sa haba pa lang ng pila sa mga istasyon lalu na ang galing sa lungsod Quezon, grabe at nagtitiyaga na lang ang mga pasahero. Kapag nagkaaberya lalo na doble ang haba ng pila kasi nga naiipon.

Bago ka makaakyat sa itaas papasok sa tren, kahit bagong paligo  kang umalis ng bahay,  naku pagdating mo na sa tren parang maghapon ka nang nasa lansangan.

Talagang pahirap.

Mukhang ito na ang normal na kalagayan ng MRT sa araw-araw, masuwerte na lang ang araw na hindi ito magkakaroon ng aberya.

Sana ay makita o mabigyang pansin ito ng mga kinauukulan sa pamahalaan na mabigyang kalunasan.

 

Show comments