MAAARI umanong malaman ang tunay na edad ng isang tao sa pamamagitan lang ng kanyang laway, ayon sa isang pananaliksik na lumabas sa journal na Proceedings of the National Academy of Sciences.
Isinagawa ng mga geneticists ng University of California, Los Angeles (United States) ang isang eksperimento na gumamit ng isang proseso na tinatawag na methylation.
Ginamit sa eksperimento ang laway para matantiya ang edad ng isang tao. Ayon sa naturang mga scientists, magagamit ang naturang pamamaraan sa paglutas sa mga krimen at paggamot sa mga may sakit.
Magagamit din umano ng mga doktor ang eksperimento o test na ito sa pagtataya sa mga sakit na may kaugnayan sa edad ng tao. Maaaaring magamot ang pasyente batay sa totoong biological age ng DNA nito.
* * *
Ayon sa pananaliksik ng Center for Genomics and Systems ng New York University, merong 3,000 anyo ng mga bacteria na matatagpuan sa mga perang papel. Ito ay batay sa pagsusuri nila sa mga dollar bills. Kabilang sa mga bacteria na ito ay yaong nagdudulot ng ulcers, pneumonia, food poisoning, at staph infections. Kaya, dahil hindi naman maiiwasan ang mga perang papel, ipinapayo nila na ugaliing maghugas ng mga kamay pagkatapos humawak ng ganitong pera.