LAGING kasama sa mga “worst airport’’ ang NAIA. Noong nakaraang taon, number 8 ito sa worst airport sa Asia. Ngayon ay umakyat at naging number 5. Ibig sabihin, lumala ang mga nangyayari sa NAIA. Ano kaya sa susunod na taon?
Isa sa mga dahilan kung bakit number 5 ang NAIA sa “worst airport” ay dahil sa “tanim-bala” na nangyari rito. Sunud-sunod ang insidente ng tanim-bala na pawang turista, balikbayan at overseas Filipino workers (OFWs) ang nabibiktima. Tinataniman ng bala ng mga corrupt airport personnel ang mga bagahe ng turista at OFW at saka huhuthutan ng pera. Ang mga kawawang biktima, maglalagay na lang para hindi maabala.
Bukod sa “tanim-bala”, reklamo rin sa NAIA ang kawalan ng air-conditioning system, kawalan ng mga upuan para sa mga pasahero, at ang kumplikadong terminal transfers.
Sa mga nakaraang taon, karaniwang reklamo sa NAIA ang marumi at kawalan ng tubig sa comfort rooms, kulang ang mga signage, walang upuan, hindi friendly ang airport personnel at masyadong crowded. Nadagdag sa reklamo ng mga sumunod na taon ang kakulangan ng 24-hour food service at masyadong mababagsik at suplado ang immigration officers.
Kabilang sa mga worst airport ang Tashkent International Airport (Uzbekistan), Kathmandu Tribhuvan International Airport (Nepal), Peshawar Bacha Khan International Airport (Pakistan) at Kabul Haid Karzai International Airport (Afghanistan).
Ang best airports ay ang Changi International Airport (Singapore), Seoul-Incheon International Airport (South Korea) at Tokyo-Haneda International Airport (Japan).
Nabahiran ang NAIA dahil sa “tanim-bala” na nangyari sa nakaraang administrasyon. Naputol lamang ito nang maupo si Pres. Rody Duterte noong Hunyo. Maaaring magkaroon na ng pagbabago sa susunod na taon at hindi na mapapabilang sa top 10 bilang ‘‘worst airport”. Sana nga. Pagandahin at pabanguhin ang image ng NAIA para makaakit ng mga turista. Hindi dapat mabanas ang mga dadaan sa NAIA.