Carabao Man (171)

ISINAMA nina JP at Maricel sina Boy George at Sue sa bahay. Namangha si Boy George sa malaking bahay nina JP. Sinabi ni JP na ang pinagpagawa sa bahay na iyon ay ang kinita sa pelikula noong kasikatan pa niya.

Muling na-meet ni Boy George ang mga magulang ni JP. Nakilala na ni Boy George ang mga magulang ni JP noong maospital ito at nang ma-rehab.

“Kumusta po kayo Itay, Inay?” bati ni Boy George.

“Mabuti naman. Ikaw Boy George, kumusta ka?’’ tanong ni Itay.

“Okey naman po. Magkakaanak na kami ni Sue. Kararating lang po namin mula Canada. Tamang-tama naman ang pag-uwi namin dahil magpapakasal na pala sina JP at Maricel. Isa raw po ako sa mga ninong.’’

“Oo nga, magpapakasal na sila. Sabi ko nga ay gumawa agad sila ng baby para naman makita  namin ang a­ming unang apo.’’

Nagtawa si Boy George.

“Huwag po kayong mainip dahil darating yan.’’

Masayang-masaya ang pagkikita nila. Hindi matapus-tapos ang pagkukuwentuhan nila.

Nabanggit ni Boy George na hindi na siya nakarating nang araw na lumabas sa rehab si JP sapagkat marami siyan inasikasong papeles sa pag-alis patungong Canada.

“Okey lang yun, Boy George.” Tinapik-tapik ni JP sa balikat si Boy George.

Ikinuwento ni JP kung paano niya sinuyo si Maricel. Ikinuwento ang pagliligtas sa dalawang addict at muntik nang malagay sa panganib ang buhay.

“Matagal-tagal ko ring sinubaybayan si Maricel. Lagi ko siyang inaabangan sa trabaho niya hanggang sa muli kaming magkita at pinatawad niya ako.’’

“Ganda ng love story n’yo, pampelikula.’’

Nagtawanan sila.

Habang nagkukuwentuhan si JP at Boy George ay busy naman sa pagkukuwentuhan si Maricel at Sue. Marami silang pinagkuwentuhan.

Ilang araw namalagi sina Boy George at Sue sa bahay nina JP.

 

HANGGANG sa sumapit ang araw ng kasal nina JP at Maricel. Engrandeng kasalan. Sa lumang simbahan sa bayan ginawa ang wedding. Masayang-masaya si Maricel at JP. Natupad din ang kanilang matagal nang pangarap.

(Itutuloy)

Show comments