“TAMA ka Maricel, parang araw nga ang buhay ng tao, lumulubog pero muling sisikat. At dapat hindi sayangin ang muling pagsikat. Kailangang matuto na sa mga nakaraan. Pangako ko sa’yo ang mga nangyari sa akin ay isang malaking aral na hindi makakalimutan,” sabi ni JP habang hawak ang kaliwang palad ni Maricel.
Unti-unti nang lumulubog ang araw at kumakalat na ang dilim.
“Alam kong nagbago ka na, JP. Naniniwala ako sa’yo. Alam ko, hindi mo na babali-kan ang madilim na kahapon.’’
Pinisil ni JP ang palad ni Maricel.
Maya-maya pa, nagpasya na silang umalis. Madilim na at malamig na ang simoy ng hangin.
“Bukas, sa taniman ng lansones at manggang kalabaw tayo pumunta. Sabi ni Itay, hitik na hitik sa bunga ang mga mangga. Manibalang na raw. Pati ang lansones, nalalaglag na dahil sa kahinugan. Napa-katamis daw ng lansones.’’
“Sige. Sasakay uli tayo sa kalabaw?’’
“Oo naman. Medyo malayu-layo rin ang manggahan at lansonesan.’’
Umuwi na sila. Inihatid ni JP si Maricel sa bahay nito.
KINABUKASAN, sinundo ni JP si Maricel at nagtungo sila sa manggahan. Naroon din pala ang itay ni JP at nagpapapitas na ng mangga at lansones. Maraming kaing ng mangga ang nasa ilalim ng mga puno. Handa nang ibiyahe.
“Dun tayo sa dako roon. Marami pa roon,” yaya ni JP.
Tinungo nila.
Mas marami ngang mangga at lansones.
Pumitas si JP ng ilang manibalang na mangga.
“Kakainin natin ‘yan mamaya. May masarap na bagoong si inay.’’
“Ang sarap nito JP.’’
Kumuha rin ng lansones si JP. Isang kumpol ang pinitas sa puno.
“Tikman natin.’’
Binuksan nila. Tinikman.
“Ang tamis, JP.’’
“Oo nga. Kakaiba kaysa sa nabibili sa palengke.’’
“Parang may asukal.’’
“Sabi ni Itay naglalagay daw sila ng asukal sa puno para maging matamis.’’
“Talaga?’’
“Oo.’’
Kasunod nilang tinungo ang taniman ng saging. May mga nahihinog na sa puno.
Nang mapagod sa pamamasyal sa sagingan, ipinasya na nilang umuwi.
Sa highway sila nagdaan.
Nagulat sila ng isang SUV ang nakita nilang nakatigil.
“Mukhang hinihintay tayo,’’ sabi ni JP.
“Sino kaya ang mga ‘yan?”’ (Itutuloy)