Carabao Man (167)

MAS maganda palang tanawin ang falls kapag nakasakay sa kalabaw, JP,’’ sabi ni Maricel.

“Oo. Kitang-kita ang bagsak ng tubig.’’

“Ang linaw ng tubig. Parang ang sarap maligo.’’

“Gusto mo maligo tayo ngayon?’’

“Aba huwag ngayon. Baka maeskandalo tayo. Pagnakasal na tayo saka tayo maligo.’’

“Okey. Ikaw ang masusunod.’’

Muli pa nilang pinagmasdan ang falls.

“Hindi kaya natutuyuan ‘yan?’’ tanong ni Maricel.

‘‘Hindi raw sabi ni Itay. Nanggagaling daw kasi ang tubig sa isang malaking hukay na walang tigil ang pagbukal. Kahit daw summer ay patuloy ang bukal ng tubig. Ang sabi ni Itay, yung hukay daw na malaki ay pinaniniwalaang binagsakan nang malaking bato na galing kalawakan. Kasi ang hukay ay bilog na bilog na parang hugis bato. Napakalalim daw at hindi kayang abutin ng mga manininisid. Ilang beses na raw sinisid pero hindi talaga kaya.’’

“Talaga? Baka meteor ang bumagsak kaya napakalalim?’’

“Siguro.’’

“Pero masuwerte talaga at dito sa lugar na ito umagos ang tubig mula sa higanteng hukay. Nagkaroon ng falls dito. Magkakaroon pala nang magandang venue ang mga nais magpakasal gaya natin. Puwede nating ipa-advertise ito. Tiyak na maraming gustong magdaos ng wedding reception dito.’’

“Oo. Naisip ko nga ‘yan, Maricel.’’

“Ano kaya at magretiro na ako sa pagsusulat ng kuwentong pampelikula at ito na lang ang buhusan natin ng pansin. Pagkatapos ng kasal natin, dito na rin ako para magkasama tayo.’’

“Aba huwag naman. Marami kang tagasubaybay at sayang naman ang career mo. Hayaan mo na lang ako rito.’’

“Okey, JP. Ikaw ang masusunod.’’

“A isa pa, kaya gusto kong manatili kang writer/director ay para maisapelikula mo ang buhay ko. Pa­lagay ko kayang-kaya mong gawin iyon Celimar.’’

Napahigpit pang lalo ang pagkakakapit ni Maricel sa baywang ni JP.

“Gagawin ko ang kahi­lingan mo, JP. Isusulat ko at ididirek ang buhay mo --- ang buhay ni Carabao Man.’’

(Itutuloy)

Show comments