P8.2B ang halaga, dambuhalang jade natagpuan sa Myanmar

HINDI makapaniwala ang ilang minero sa Myanmar nang madiskubre nila ang isang dambuhalang tipak ng jade na maaring umabot sa £140 million ang halaga o katumbas ng higit sa P8.2 bilyon.

Naghuhukay ang mga minero sa isang liblib na minahan sa Kachin state sa Myanmar para sa mga mamahaling bato nang matagpuan nila ang higanteng piraso ng jade.

May taas na 9 na feet ang bato samantalang nasa 18 feet ang lapad nito.

Sa bigat nitong 175 tonelada ay pumapangalawa lang ito sa pinakamabigat na jade na nadiskubre na may timbang na 260 tonelada at matatagpuan sa Jade Buddha Palace sa China.

Ang Myanmar ang pinakamalaking pinagkukunan ng mga jadeite o mga bato na pinanggagalingan ng jade.

Tinatayang nasa $50 billion o kalahati ng ekonomiya ng Myanmar ang nakaasa sa pag e-export ng jade papunta sa mga bansang katulad ng China.

Kaya naman hindi na nakakapagtakang hindi mananatili ang dambuhalang jade sa Myanmar at sa halip ay dadalhin ito sa China kung saan pipira-pirasuhin ito upang gawing mga alahas.

Show comments