Ang Lolo ni Maria

BATA pa siya ay wala na siyang amor sa kanyang lolo na ama ng kanyang ina. Hindi naman ito masungit pero hindi rin siya mapagmahal na lolo.  Parang maglolo tayo kasi anak ko ang ina mo. Ganoon lang. Walang pagmamahal na nagkokonekta.

Noong siya ay walong taong gulang sumabay siya sa kanyang lolo paluwas sa Maynila para magbakasyon sa bahay ng kanyang tiya. Ugali niyang tumulog sa biyahe pero dahil wala namang kagana-ganang kasama sa biyahe ang kanyang lolo, tiniis niya ang antok na nadadama. Kaya lang may pagkakataong nagtutukatok siya at napapahilig ang kanyang ulo sa katawan ng kanyang lolo, bigla siyang tatapikin sa pisngi para magising.

“Gising…Maria, aba, ang bigat-bigat ng ulo mo, nanga­ngawit ako”

Simula noon, lalong lumayo ang loob niya sa kanyang lolo. Hindi ba niya maipahiram lang sandali ang kanyang katawan para may masandalan man lang ang kanyang apo habang nagbibiyahe? Sa loob-loob niya: “Ang damot ng matandang ito!”

Isa pang ikinaiinis niya sa kanyang lolo ay ang pagtawag sa kanya ng tunay niyang pangalan—Maria. Mga taong naiinis lang sa kanya ang tumatawag ng Maria. Ang mga taong natutuwa sa kanya ay Marie ang tawag sa kanya. Kahit kailan ay hindi siya tinawag nito sa kanyang palayaw.

Grade 4 na siya nang pumanaw ito dahil sa matagal na niyang sakit. Lingid sa kaalaman ng pamilya, may bukol pala ito sa dibdib na napabayaan hanggang maging cancer. Ito pala ang tinatamaan ng kanyang ulo noong siya ay nagtutukatok sa bus habang nagbibiyahe. Hindi totoong ipinagdadamot niya ang kanyang katawan para masandalan niya. Laging sumasakit ang  bukol nito pero hindi  dumadaing sa kanyang mga anak.

Kaya pala hindi siya maamor sa mga kaanak niya lalo na sa apo ay may psychological problem siya dulot ng trauma na naranasan noong World War II. Isa siyang magiting na gerilya ngunit minalas na nadakip ng mga Hapones at sumailalim sa torture.

Ang lolong hindi papangarapin ng isang bata na maging lolo ay nag-iwan ng malaking halaga ng pera sa kanyang kaisa-isang apo na si Maria para gamitin nito sa kanyang pag-aaral hanggang sa kolehiyo.

Show comments