EDITORYAL - Kailan wawasakin ang jueteng at iba pang illegal gambling?
MASASABING tagumpay ang kampanya ng Duterte administration laban sa illegal na droga. Tatlong buwan pa lamang sa puwesto si President Rodrigo Duterte ay marami nang napapatay at nahuhu-ling drug suspects sa police operations. Maraming user at pusher ang sumusuko sa takot na mapatay sila ng mga pulis. Umabot na sa 3,000 ang mga napatay sa operasyon bukod pa ang mga biktima ng vigilante group. Halos araw-araw ay may natatagpuang bangkay na may cardboard sa dibdib at may nakasulat na “pusher ako, wag tularan”.
Humingi naman ng anim na buwan pa si Duterte para tuluyang malutas ang problema sa illegal drugs. Hindi kaya ng anim na buwan lang kaya humihingi pa siya ng karagdagang anim na buwan pa. Nangako si Duterte na magiging “drug-free country” ang bansa. Ayon pa sa Presidente, hindi niya hahayaang sirain ng droga ang bansang ito. Hindi siya papayag na masira ang kinabukasan ng mga kabataan dahil sa shabu.
Maraming sumusuporta sa pamahalaang Duterte sa paglupig sa drug syndicates at mga galamay nito. Maraming nanininiwala na tama ang pamahalaan sa ginagawang kampanya laban sa illegal na droga.
Subalit habang nayuyugyog na ang mga sindikato ng droga at hindi malaman kung susuling, namama-yagpag naman ang mga sindikato ng illegal gambling. Habang abala ang Philippine National Police (PNP) sa pagsalakay sa drug dens, abot-taynga naman ang ngiti ng mga nagmamantini ng mga illegal na pasugalan.
Talamak ang jueteng sa bansa. Ang mga tumataya ay karaniwang mamamayan na umaasang mananalo sa karampot na taya. Sa halip na ibili ng bigas, isinasapalaran sa jueteng ang pera.
Bukod sa jueteng, marami pang sugal ang namamayani sa bansa. Mga mahihirap ang nabibiktima na lalong nagbabaon sa kanila sa lalo pang paghihikahos.
Katulad ng illegal na droga, sinisira rin ng illegal gambling ang buhay ng ilang Pilipino kaya nararapat na pagtuunan din ito ni President Duterte.
- Latest