ISANG babae sa Washington, D.C. ang arestado matapos niyang kainin ang tatlong pirasong French fries na hindi naman sa kanya.
Nangyari ang insidente sa isang restaurant sa siyudad kung saan naghahapunan ang isang pulis.
Habang kumakain ang pulis ay tinabihan siya ng isang babaing hindi niya kilala na sinubukang makipag-usap sa kanya.
Kasabay nito ay walang pahintulot na kumuha ng isang pirasong French fries ang babae mula sa pagkain ng pulis.
Inulit pa niya ito ng isang beses kaya pinagsabihan na siya ng pulis na puwede siyang makulong dahil sa kanyang ginagawa.
Hindi naman natinag ang babae sa banta ng pulis at sa halip na tumigil ay kumuha pa ang babae ng isang piraso ng French fries sabay hamon sa pulis na arestuhin siya nito.
Kaya hindi na nagdalawang-isip ang pulis na arestuhin ang babae na hindi na pinangalanan sa mga kumalat na report.
Sa huli ay sinampahan ng kasong pagnanakaw ang babae para sa pagkuha niya ng tatlong pirasong French fries ng walang pahintulot.