Carabao Man (123)
“ANO Sue, hindi ka na nakasagot. Lumabas tayo at kumain. Mag-date tayo,” sabi ni Boy George.
“Binigla mo naman ako, Boy George. Hindi ko inaasahan ito.’’
“Huwag ka nang malito, halika na. Kumain tayo. Magselebreyt tayo.’’
“Sandali lang at magbibihis ako Boy George.’’
“Okey Sue.’’
Makaraang magbihis at magpaganda, ay umalis na sila. Sa isang hotel sa kahabaan ng Roxas Blvd sila nagtungo. Pinili nila ang restaurant ng hotel na nasa sea side para napapanood nila ang paglubog ng araw at ang kalmadong karagatan.
Habang kumakain na magkaharap sa table, walang tigil sa pagkukuwento si Boy George ng buhay niya. Dalawa silang magkapatid. Naka-base sa Canada ang kapatid niyang babae. Patay na ang mga magulang nila. Inamin ni Boy George na maykaya ang pamilya nila. Siya ay nag-aral ng Film sa isang unibersidad. May master’s degree sa kaparehong field. Marami na rin siyang nagawang independent film at ang ilan ay nailaban pa sa film festival sa ibang bansa.
Nang inaakala niyang kaya na niyang pumalaot sa industriya, itinayo niya ang Kulapnet Productions. Marami naman siyang pera kaya susugal siya. Hanggang sa makilala nga niya si JP at pinirata niya sa Dayami Films. Gumawa siya ng Paniki-Man series na si JP ang bida.
“Iyan ang life story ko Sue.’’
“Talaga palang mahilig ka na sa film.’’
“Oo. Mahilig talaga.’’
“Sayang ano, nagkaroon ng mga hadlang.’’
“Okey lang. Siguro hindi para sa akin ang film industry,’’
Hanggang sa mapansin ni Boy George ang magandang tanawin sa laot.
“Halika doon tayo sa may sea wall.’’
Lumabas sila at tinatanaw ang pag-aagaw ng dilim at liwanag.
“Ang ganda ano?’’
“Oo nga.’’
Hanggang sa dahan-dahang kunin ni Boy George ang palad ni Sue. Marahang pinisil iyon.
Iyon ang simula ng bago at wagas na relasyon.
(Itutuloy)
- Latest