“THE Abu Sayyaf does not live by the laws of civilization. They are evil,” sabi ni President Rodrigo Duterte noong Miyerkules nang magsalita sa isang pagtitipon sa Davao City.
Una na niyang sinabi na mistulang mga cannibal ang mga Abu Sayyaf sapagkat kahit patay na ang mga kalabang sundalo ay pinupugutan pa ng ulo. Bakit kailangang gawin iyon. Tama na ang isang bala at iwanan na ang kalaban. Bakit kailangan pang barilin sa mukha o tagain? Nasabi ito ng Presidente nang dalawin ang burol ng 13 sundalo sa Western Command gym sa Zamboanga City. Labinlimang sundalo ang namatay sa labanan sa Patikul, Sulu noong Lunes ng hapon. Pinangakuan niya ng trabaho ang mga biyuda at pag-aaralin ang mga anak ng namatay na sundalo.
Tama ang pagkakalarawan ng Presidente sa Abu Sayyaf. Hindi sibilisado ang grupo. Kahit nakabulagta na, babarilin pa o kaya’y tinataga. Gaya nang nangyari kay Pfc. Jison Falcasantos na pinugutan ng ulo. Halos masiraan ng bait ang ina ni Jison na si Mila Falcasantos nang malaman na napatay ang kanyang anak. Si Jison ang inaasahan niya sa pagtataguyod ng iba pa nitong kapatid.
Bago ang pagkakumpirma sa pagkamatay ng kanyang anak, nagtext pa siya kay Jison ng araw na iyon at kinukumusta niya ang kalagayan nito. Gabi nang may mag-reply sa kanya. Galing ang reply sa cell phone mismo ni Jison na nagsasabing pinugutan na nila ito ng ulo. Sa galit ni Mila, sinagot niya ang message, at sinabihang walang konsensiya ang mga pumugot sa anak. Sagot daw sa kanya, “Talagang wala kaming konsensiya. Pati ikaw pupugutan din namin.” Tuluyan nang nawalan ng malay si Mila.
Tapusin na ang kasamaan ng mga bandido. Huwag nang tigilan ang opensiba sa mga ito. Matutulad lamang ito sa ginawa ng mga nakaraang administrasyon na pagkaraang lusubin ang mga bandido ay itinigil kahit hindi pa napapatay ang mga matataas na lider. Muling nag-recruit ng mga miyembro at nangidnap nang nangidnap at pumugot pa ng mga ulo.
Dagdagan pa ang tropa sa Sulu at Basilan para hindi na makahulagpos ang mga criminal. Makaka-yang ubusin ang mga ito kung magtutulung-tulong.