Pagpapaliban sa bgy. at SK elections

Malamang na hindi na matuloy ang barangay at Sangguiang Kabataan (SK) election sa Oktubre ngayong taon.

Mismong si Pres. Rodrigo Duterte ay nananawagan na ipagpaliban ang barangay at SK elections sa pangambang lumaganap ang drug money sa mga kandidato at lalo lang masira ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Pabor din sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate president Koko Pimentel na ipagpaliban ang barangay at SK elections.

Kailangang pagtibayin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang batas sa pagpapaliban at agad itong lagdaan ng presidente para maging ganap na batas.

Magkakaroon nga naman nang malaking epekto sa bagong administrasyon ang eleksiyon dahil magkakaroon ng pagbabawal tulad sa pagpuno sa mga nakabakanteng puwesto sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno partikular ang binakanteng presidential  appointees ng nakaraang Aquino administration.

Samantala, hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na maraming palpak at inutil ng opisyal ng barangay na ninanais ng publiko na matanggal na sa pamamagitan ng eleksiyon.

Inaasahan din na may ilang barangay officials ang sangkot sa iligal na droga na dapat ay masupil at masibak sa puwesto.

Dahil dito kung walang eleksiyon, dapat kumilos ang Department of Interior and Local Government (DILG) upang linisin ang hanay ng mga opisyal ng barangay sa buong bansa na aabot sa 42,000 barangays.

Kailangan na maging mabangis ang DILG sa lahat ng mga barangay gayundin sa lahat ng lokal na opisyal mula gobernador at mayor kung sablay ang performance ng mga ito para na rin sa interes ng publiko.

Kung maghihigpit ang DILG sa mga barangay officials, hindi na natin mararamdaman na ipinagpaliban ang eleksiyon dahil natanggal din ang mga palpak na opisyal.

Show comments