LATE nang dumating si JP sa shooting ng Paniki-Man-3. Alas otso ang usapan pero dumating ng alas diyes.
Hindi nagpakita ng galit si Boy George. Baka natrapik. Tahimik lang din ang director. Ang mga kasama sa set ay walang imik. Wala silang magagawa dahil si JP ang bida. Hindi dapat mawawala ang bida. At saka alam nilang bumibenta ang pelikula ni JP. Ang Paniki-Man 1 at 2 ay blockbuster. Halos isang buwan sa mga sinehan. Bilyon ang kinita.
Natuloy ang shooting ng Paniki-Man 3 kahit dalawang oras nang atrasado. Marami ring nakunang eksena. Palibhasa’y mahusay na actor, mabilis at walang nasayang na eksena si JP. Pawang take one.
“Bukas maaga uli tayo, JP, mga fighting scenes ang kukunan. May eksena na magmomotorsiklo ka sa rooftop. Gagamitan ka ba dobol o ikaw na mismo ang magmomotor?’’
“Kailan ba ako nagpadobol, Direk? Kahit sa umpisa ng Paniki-Man, wala akong dobol. Ang nagpapadobol lamang ay yung mga huwad na artista --- mga peke. Ako, tunay at walang dobol-dobol!’’
“Okey, JP. Kung walang dobol e di fine. Great! Ikaw na talaga ang superhero!’’
“Bukas, makikita ninyo kung sino si Paniki-Man, ha-ha-ha!’’
Pero late na naman si JP kinabukasan --- mag-aalas dose na dumating. Marami nang naiinis.
“Ano ba JP, late ka na naman? Akala ko ba sabi mo aagahan mo?’’
“Anong gagawin ko e trapik, buwisit.’’
“Wala na tayong magagawa dahil masyado kang late. Sabi mo aagahan mo. Ano pang gagawin natin ngayon?’’
“E di huwag nang mag-shooting! Tinatakot mo ba ako, Direk?’’
“Hindi kita tinatakot, JP. Ang sa akin lang, maraming nagtungo rito nang madilim-dilim pa. Akala nila mada-ling matatapos ang shooting e hindi pala!’’
“E natrapik nga ako eh!’’
Maya-maya dumating si Boy George. Tinawagan ng staff ng director.
Nagsumbong agad ang director kay Boy George.
“Late na naman itong bata mo BG. Wala na naman ta-yong matatapos.’’
“Totoo ba JP na late ka?’’
“Natrapik nga ako! Ang hirap umintindi ng director mo, BG.’’
“Sana inagahan mo para hindi ka natrapik.’’
“Hindi na ako matutulog kung ganun,’’ sagot na pabalang ni JP.
‘‘Hindi naman sa ganun, maaari ka namang matulog nang maaga at gigising nang maaga.’’
“Aba, dinidiktahan mo ba ako, Boy George?’’
“Hindi. Para sa iyo rin kasi ito JP.’’
Pero matigas na ang kalooban ni JP. Masyado nang mataas.
‘‘E di huwag na nating ituloy ang Paniki-Man 3. Ano Boy George?’’
“Huwag, JP. Maaari pa namang pag-usapan ito.’’
‘‘Nakikipag-usap na nga ako e kayo itong pinagtutulungan ako.’’
Nagpasya si Boy George. Humarap sa iba pang talent at mga tauhan.
‘‘Bukas na po natin, ituloy ang shooting. Pack-up na muna po tayo. Salamat po.’’
Umugong ang bulungan. Halatang inis. May nagmumura kay JP.
“Okey JP, bukas nakikiusap ako, dumating ka on time.
“Okey sinabi mo, BG. Nanginginig pa ako.’’
Kinabukasan, maagang dumating si JP pero “sabog” ito. (Itutuloy)