NILALAGNAT ba ang inyong anak? Naku, huwag pong mataranta!
Lahat tayo ay tiyak na may kuwento tungkol sa lagnat, personal man o kaugnay sa isang kaanak, kaibigan, at kakilala.
Isang karaniwang karanasan ang lagnatin ang mga bata. Natural lamang na makaramdam tayo ng takot at pag-aalala. Pero ang lagnat ay hindi isang uri ng sakit. Ito ay sintoma lamang ng isang sakit na dumapo sa katawan. Ang dapat nating laging isaisip ay kung ano ba ang naging sanhi ng lagnat. Dala ba ito ng impeksyon, sobrang pagkahapo, pagkaka-bakuna, o ng iba pang kondisyon? Tiyak na may pinagmulan ang lagnat. Ipinapakita ng paglalagnat na ang murang katawan ng inyong anak ay lumalaban sa impeksyon.
Kadalasan, may iba pang sintomang kaakibat ang lagnat: masakit na lalamunan, masakit na ulo, pagkawala ng ganang kumain, paglabas ng mga butlig sa balat, pananakit ng mga kasu-kasuan (joints), pag-ubo, pagsipon, masakit na pag-ihi at pagsusuka. Ang mga karagdagang sintoma ang magsasabi kung ano ang sanhi nang pagtaas ng temperatura ng katawan. Dala kaya ito ng trangkaso, tonsilitis, sipon (common colds), pulmonya, bulutong-tubig, tigdas, urinary tract infection, gastroenteritis, o iba pa?
Sa mga batang wala pang anim na taon (nasa pre-school), may pangyayaring kinukumbulsyon sila dahil sa mataas na lagnat o patuloy na pagtaas ng lagnat. Benign Febrile Seizure ang tawag dito. Kung nasa lahi ito (ibig sabihin, may kasaysayan na kinumbulsyon din ang magulang ng bata noong paslit pa sila), hindi ito dapat ikatakot. Lunasan agad ang lagnat at huwag nang hayaang tumaas pa ito ng labis para makaiwas sa kombulsyon. Mangyaring bigyan agad ng Paracetamol syrup kada ikaapat na oras at banyusan o gawin ang madalas na pagpunas sa katawan (gamit ang tubig na galing lamang sa gripo; walang halong alcohol o suka). Puwede ring maglagay ng bolsa de yelo sa noo ng batang mataas na ang lagnat.
Bihira nang kumbulsyunin pa ang batang lampas sa anim na taon. Hindi naman magkakaroon ng masamang epekto ang ganitong uri ng kombulsyon sa paglaki ng bata (hindi ito mauuwi sa brain damage o epilepsy). Marami kasi ang nag-aalala na baka hanggang sa paglaki nito ay paulit-ulit pa rin itong atakihin ng kumbulsyon.
Okey lamang ang remedyuhan muna ang lagnat sa bahay. Pero kung sa susunod na araw ay magtutuloy-tuloy pa rin ang lagnat, huwag nang makinig sa payo ng mga kakilala at kapitbahay. Mas maiging magpa-check up sa doktor upang matiyak kung ano ang sanhi ng lagnat at mabigyan ang inyong anak ng kaukulang lunas.
• • • • • •
Belated happy birthday sa aking pamangkin na si John Patrick Gatmaitan Alimato (June 23), Grade 10 student sa Wesleyan University-Philippines, Cabanatuan City. Siya ang bunsong anak nina Ronald at Teresita Alimato ng San Ricardo, Talavera, Nueva Ecija. God bless you, Patrizzio!