‘Ang SONA at ang simbahan’

‘HUWAG kang papatay’ ito ang ika-anim na utos ng Diyos na kasama sa ten commandments. Ito ang mensahe ng simbahang katoliko para kay Presidente Rody Duterte.

Sa kauna-unahan niyang State of the Nation Address (SONA) inabangan ng taumbayan ang kanyang mga sasabihin at plano para sa bansa.

May pangako siya tungkol sa pagsugpo sa droga, krimen, problema ng ating Overseas Filipino Workers (OFW) at ang pagtigil sa endo-endo (end of contract) ng mga trabahador.

Una nang naranasan ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga umano’y drug pushers, adik at ilan pang taong  sangkot sa droga. Kabi-kabila ang natatagpuang patay na may karatulang ‘adik ako huwag tularan’.

Naglunsad ng ‘Huwag kang papatay’ campaign ang simbahan. Layunin nito na tipunin ang pamilya ng mga biktima ng umano’y ‘extra judicial killings’. Bunsod ito ng kampanya  ni Presidente Duterte laban sa iligal na droga.

Wala na daw pagkakataon na magbago ang mga nasangkot sa droga dahil napatay na sila. Ito ang sinabi ng isang opisyal ng Archdiocese ng Manila.

Magsasagawa sila ng misa para ipagdasal ang mga napatay sa mga operasyon ng pulis at pati na din ang kanilang pamilya.

Ayon pa kay Fr. Atilano Fajardo ang pagpatay sa mga ito ay katumbas ng pagtatanggal ng karapatan ng mga biktima sa ‘due process’ at pagkuha sa kanilang pagkakataon na makapag-bagong buhay.

Ang misa nila ay isasagawa tuwing huling Lunes kada buwan. Aapela daw siya ng personal sa Pangulo upang matigil ang mga pagpatay na ito.

Sabi naman ng palasyo may karapatan ang simbahan na magsagawa ng mga misa.

Kung ano ang gingawa ng amo ay sinusunod ng kanyang tuta. Napakadaling sabihin na ang isang tao o hinihinalang pusher ay nanlaban o nang-agaw ng baril kaya sila napapatay ng mga pulis.

Talaga nga bang lumalaban ang mga taong ito o baka kaya sila pinapatay ng iba ay dahil balak nilang sumuko at baka magsalita pa sa otoridad.             

May umiikot na riding in tandem at inuupakan ang mga taong nasasangkot sa droga.

Magandang antabayanan din natin ang mga ipinangako ni Presidente sa kanyang SONA. Sa anim na taon niyang panunungkulan ay makikita natin kung matutupad niya ba ang lahat ng kanyang mga ipinangako.

Maraming sumuporta sa kanya nung panahon ng eleksyon at sana’y hindi mabigo ang mga ito sa pamamalakad niya sa buong bansa.

PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

 

 

Show comments