LIBU-LIBONG tao na ngayon ang bumibisita sa isang lugar sa Kentucky, USA matapos buksan doon sa publiko ang isang dambuhalang barko na itinulad sa arko ni Noah na sa Bibliya.
Ang makatotohanang Noah’s Ark ay ipinatayo ng Australyanong si Ken Ham sa halagang $100 milyon at sinigurado niyang kaparehong-kapareho ang mga sukat nito sa kung ano ang nakasaad sa Bibliya. Tinatayang nasa 155 metro ang haba nito na kasing haba ng arkong itinayo ni Noah.
Matatagpuan sa loob ng arko ang isang museo na nagpapakita ng mga pangyayari sa buhay ni Noah nang dumating ang delubyo. Makikita rin sa loob ang istatwa ng iba’t ibang mga maliliit na dinosaur na animo’y iniligtas ni Noah mula sa baha.
Ipinatayo ni Ham ang dambuhalang arko upang patunayan na totoo ang mga nakasulat sa Bibliya.
Isa kasi si Ham sa mga tinatawag na creationists o iyong mga tao na naniniwala sa literal na interpretasyon ng Bibliya. Sa katunayan nga ay naniniwala siyang 6,000 libong taon pa lang ang tanda ng daigdig alinsunod sa kung ano raw ang nakasaad sa libro ng Genesis.