NOONG 1976 ay binuksan ng chemistry teacher na si Roger Bennatti ang isang tinapay na kung tawagin ay Twinkie mula sa pakete nito. Ginawa niya ito sa harapan ng kanyang mga estudyante sa George Stevens Academy bilang eksperimento upang malaman kung gaano katagal bago mapanis at mabulok ang Twinkie.
Ngunit 40 taon na ang nakakaraan matapos ang klaseng iyon ay hindi pa rin alam ni Bennatti at ng kanyang mga mag-aaral ang kasagutan dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin tinutubuan ng kahit kaunting amag man lang ang Twinkie na kanyang binuksan.
Tinatayang nasa 25 araw lang ang itinatagal ng isang Twinkie kapag nasa labas na ito ng pakete kaya naman kamangha-manghang hindi pa nabubulok ang binuksan ni Bennatti apat na dekada na ang nakararaan.
Ngayon ay kadikit na ng George Stevens Academy ang kuwento tungkol sa hindi nabubulok na tinapay kahit matagal nang retirado si Bennatti at ang kanyang mga estudyante ay matagal nang graduate sa eskuwelahan. Sa katunayan nga ay dean na ng nasabing eskuwelahan si Libby Rosemeier na isa sa mga estudyante sa klase ni Bennatti nang gawin niya ang eksperimento sa Twinkie.
Dati ay nakapatong lang sa ibabaw ng pisara ang Twinkie ngunit ngayon ay nakadisplay na ito sa isang salamin na kahon kung saan makikita ito ng lahat ng mag-aaral ng Geore Stevens Academy.