Bulag mula sa Uruguay, kabisado ang huni ng 3,000 ibon

IPINANGANAK na bulag ang taga-Uruguay na si Juan Pablo Culasso. Ngunit dahil sa kanyang kakaibang pandinig ay kaya niyang kilalanin ang 3,000 ibon base lang sa kanilang huni.

Sinasabing may perfect pitch ang 29-anyos na si Culasso. Ito ay ang kakayahang makakilala ang eksaktong nota ng kahit anong tunog. Natuklasan niyang mayroon siyang perfect pitch dahil kahit ang nota ng tunog ng pagpatak ng bato sa tubig ay kaya niyang kilalanin kahit noong bata pa lang siya.

Tinatayang 1 sa bawat 10,000 katao lang ang mayroon ng tinatawag na perfect pitch ayon kay Culasso. Kabilang ang henyo sa musika na si Wolfgang Amadeus Mozart sa mga katulad ni Culasso na nagtataglay ng perfect pitch.

Noong 2014 ay kinilala ang galing ni Culasso nang mapanalunan niya ang unang gantimpala sa isang patimpalak ng National Geographic.

Para manalo ay kinailangan niyang kilalanin ang labin-  limang ibon base lamang sa kanilang huni. Binunot ang labinlima mula sa isang listahan ng 250 na ibon kaya naman mada­mi ang nabilib nang magawang kilalanin ni Culasso ng tama ang bawat isa sa mga ito gamit lang ang kanyang pandinig.

Nanalo siya ng $45,000 na kanyang ginastos sa pagbili ng mga audio equipment na makakatulong sa kanya sa pakikinig sa mga tunog na nagmumula sa kalikasan.

Dahil sa kanyang angking galing ay lagi na rin ngayong kinukuha si Culasso ng mga gumagawa ng documentary para sa kanilang mga produksyon.

Show comments