UPANG marami ang maengganyo sa kanilang hanapbuhay, nagsama-sama kamakailan ang mga pinakamagagaling na sepulturero sa Hungary at nagsagawa ng isang kakaibang paligsahan.
Nangyari ang kakaibang contest sa lungsod ng Debrecen kung saan nagtipun-tipon ang 36 na sepulturero upang magpagalingan sa paghukay at pagpapaganda ng mga libingan. Hinati sa 18 teams ang mga kalahok at bawat isa sa kanila ay binigyan ng sapat na kagamitan upang makapaghukay ng libingan sa isang kapirasong lote.
Panalo ang team na makakagawa ng hukay na sapat para libingan sa pinakamaikling oras. Pinili ang nanalo base sa bilis ng kanilang paghuhukay, sa linis ng kanilang trabaho, at kung nagawa nilang sumunod sa mga patakaran ukol sa tamang sukat ng mga hukay na panlibingan.
May kanya-kanyang diskarte ang bawat koponan. May mga naghuhukay muna bago linisin ang lupang kanilang ikinalat samantalang ang iba ay inaayos kaagad ang lupa sa tabi ng hukay na kanilang ginawa.
Inorganisa ang contest upang magkaroon ng interes ang mga kabataan sa pagiging sepulturero. Mahalaga pa rin kasi ang nasabing trabaho lalo na sa mga masisikip na sementeryo kung saan hindi kasya ang mga de-makina na tagahukay.
Lalaban naman sa Slovakia para sa regional championship ang nanalo sa isinagawang contest.