MARAMING iresponsableng mining companies. Hinuhukay at binubutas ang mga bundok nang walang pakundangan. Walang pakialam kung mawasak man ang mga bundok. Ang mahalaga sa mining companies, makuha sa puso ng bundok ang inaasam nilang mina na magpapayaman sa kanila. Hayaan nang umagos ang putik na nagmula sa bundok at sagasaan ang mga bahay na nasa paanan nito.
Sa isang picture na kuha noong 2012 sa mga kabundukan sa Compostela Valley at ilang bahagi ng Davao Oriental, nakapanghihilakbot ang makikita sapagkat butas-butas na ang mga bundok sa mga nasabing lugar. Masahol pa sa sungkaan ang tuktok ng mga bundok.
Nang manalasa ang bagyong Pablo noong 2012, bumigay ang bundok na maraming hukay. Napuno ng tubig ang mga butas at iyon ang naging dahilan para magkaroon ng landslides. Tinangay ng putik ang mga bahay kasama ang mga troso. Nasa 314 katao ang natagpuang patay. Ang pagmimina ang dahilan.
Halos ganito rin ang nangyari sa St. Bernard, Southern Leyte noong Peb. 17, 2006, kung saan naguho ang bundok at tinakpan ang isang barangay. Isang school na may mga bata at guro ang nalibing nang buhay. Ang pagmimina rin ang itinuturong dahilan nang pagkawasak ng bundok. Bumigay ang lupa dahil sa sobrang pagkabutas na ginawa ng mining companies. Lumambot ang lupa at bumulwak ang putik
Sino ang makalilimot sa ginawa ng Marcopper Mi-ning Company sa Marinduque noong Marso 24, 1996. Nasira ang kapaligiran at kalikasan doon. Ang dating buhay na buhay na Boac River ay nalason at namatay dahil sa tailings. Ilan sa mga tao ang nagkasakit sa balat.
Nalalaman nang papasok na bagong administrasyon ang lawak ng pinsala sa kapaligiran at kalikasan nang ginagawang pagmimina sa maraming bahagi ng bansa. Binalaan ni President-elect Rody Duterte ang mining companies na huwag sirain ang kalikasan. Magbago na aniya ang mga kompanyang ito bago pa siya gumawa ng hakbang. Hindi raw niya hahayaang masira ang kapaligiran.
Sana, matutukan ang problemang ito. Itigil na ang iresponsableng pagmimina.