Carabao Man (28)

PERO nagpigil si Johnpaul na sagutin si Mr. Kim. Hindi muna siya magpapa­kita ng pagkainis sa matanda. Hahayaan muna niya. Pero kapag hindi na siya nakatiis, talagang dederetsahin na niya. Hindi na siya magpipigil pa at harap-harapan ay sasabihin niyang ayaw na niya sa Dayami Films at li­lipat na siya sa ibang film outfit na hindi siya sinasakal. Mas gusto niya sa isang kompanya na hindi siya hinihigpitan.

“Ano JP at natahimik ka? Baka mayroon kang gustong hingin sa akin. Gusto mong lumipat sa bagong condo? Bagong sasakyan? Sabihin mo lang iho.’’

“Wala ho, Mr. Kim. Okey lang ako.’’

“Payo ko lang JP na huwag mong kalilimutan ang fans mo. Sila ang matatapat mong tagahanga. Huwag mo silang pababayaan.’’

Nag-isip na naman si JP. Nainis na naman. Parang sinisermunan siya. Parang tinatrato siyang bata.

Tumango na lamang siya. Hindi muna siya aangal. Saka  na lang. Mag-iipon muna siya ng mga sama ng loob at saka siya boboldiyak sa matanda.

“Mukhang may malalim kang iniisip JP?’’

“Wala ho. Pagod lang ho.’’

“Ah okey sige magpa­hinga ka na muna at saka ka na lang tatawagan ni Direk. Ibi-brief ka lang daw sa sunod na movie. Action-drama raw ito JP. Palagay ko blockbuster uli ito. Sige, iho. Pahinga ka muna.’’

Umalis na si JP. Pero mayroon siyang iniisip. Saka na lang siya bibigwas.

MINSANG nakikipag-usap si JP sa kanyang leading-lady ay bigla siyang tinawag ni Dang.

“JP, may mga fans kang naghihintay sa labas. Magpapa-picture daw. Gusto kang makita.’’

Biglang tinigil ni JP ang pakikipag-usap sa phone.

“Sabihin mong lumayas sila! Wala akong pakialam sa kanila.’’

“Pero JP…”

“Bingi ka ba? O baka ikaw pati palayasin ko.’’

Biglang umalis ang takot na takot na si Dang at tinungo ang mga fans ni JP sa labas. Sinabi sa mga ito na biglang sumakit ang ulo ni JP.

(Itutuloy)

Show comments