Carabao Man (21)
SUPPORTING role lamang ang papel ni JP sa pelikula. Katambal niya ang isang babaing baguhan na tulad niya ay natipuhan din daw ni Mr. Kim. Nakitaan din ng potensiyal ang babaing katambal niya. Magkasintahan sila sa pelikula.
At hindi makapaniwala si JP na nagampanan niya nang maayos ang papel na binigay sa kanya. Maayos niyang nadeliber ang dialogue. Walang mintis. Isang take lang! Nagtataka siya kung paano nagawa iyon gayung iyon ang kauna-unahan niyang pag-arte sa harap ng kamera. Noong high school ay nakasali na siya sa ilang play pero malaki ang kaibhan niyon kaysa aktuwal na may mga nakapaligid na kamera.
Nang matapos ang shooting ay agad siyang nilapitan ng batikang diektor.
“Pinahanga mo ako JP. Hindi ko inaasahan ang husay mo sa acting.’’
“Salamat po Direk.’’
“Aba ay mas mahusay ka pa kaysa bida.’’
“Hindi naman po, Direk,’’ nahihiya niyang sabi.
“Mayroon ka bang karanasan sa pag-arte?’’
“Nung high school po ay miyembro ako ng teatro pero hindi po madalas ang aming pag-perform. Tuwing may event lang sa school.’’
“Hmmm. Ginulat mo talaga ako. Nakakahanga ka, Carabao Man.’’
“Magaling ka rin po Direk. Napaiyak mo ako nang todo kanina.’’
Nagtawa si Direk.
“Palagay ko, may bago nang titingalain ang mga fans sa mga darating na buwan. Mas titilian ng kababaihan. Maghanda ka JP at palagay ko magniningning ang bituin mo. Hindi ako nagbibiro. At ngayon pa lang mayroon na akong naiisip na bagong proyekto para sa’yo.’’
Hindi makapaniwala si JP. Nananaginip yata siya.
Nang lumapit si Dang at Tasya ay nagulat siya. Tuwang-tuwa ang dalawa sa tagumpay ng unang pagganap ni JP.
“Ano JP, di ba kayang-kaya mo. Marami ang hangang-hanga sa’yo. Napakahusay mo!” Sabi ni Dang.
Bigla naman siyang hinalikan ni Tasya sa pisngi. Tuwang-tuwa rin ito.
(Itutuloy)
- Latest