NAGDULOT ng isang matinding landslide ang malakas na pag-ulan noong Hulyo 2014 sa bayan ng Malin sa India. Sa sobrang tindi ng pagguho ng lupa ay halos maubos ang lahat ng residente ng lugar.
Daan-daang katao ang nalibing nang buhay at mas marami pa sana ang namatay kung hindi dahil sa pag-iyak ng isang sanggol na nagligtas sa buhay ng kanyang pamilya.
Dahil sa pag-uha ng tatlong-buwan na sanggol na si Rudra Lemde ay nagawang mahanap ng rescuers ang kanyang ina pati na rin ang kanyang lolo’t lola at ng ilan pang survivors.
Mabuti na lamang at nakaligtas ang sanggol sa nangyaring landslide kung hindi ay pare-pareho silang nalibing nang buhay sa ilalim ng mga guho.
Nagawa kasing yakapin si Rudra ng kanyang ina na si Pramila nang mangyari ang landslide. Pinakakain ni Pramila ang kanyang anak nang marinig niya ang isang napakaingay na tunog na akala niya ay kulog. Agad niyang niyakap si Rudra bago pa sila matabunan ng bumubulusok na lupa.
Inabot ng walong oras ang kanilang pagkakabaon sa ilalim ng lupa bago sila natunton ng mga rescuers dahil sa iyak ni Rudra. Wala naman tinamong pinsala ang mga kapamilya ni Rudra. Matindi lang ang kanilang naging pagkabigla nang malaman nilang namatay ang halos lahat ng kanilang kapitbahay sa nangyaring sakuna.