SUGO NG DIYOS. Sila ang mga tumatayong naghahatid ng magandang balita.
Binanatan ni Presumptive President Rodrigo “Digong” Duterte ang mga obispo at pari.
Bago pa lang ang halalan ay naglabas ng ‘pastoral letter’ na binasa sa mga pulpito ang simbahang katoliko na mga patama sa kanya.
Ngayong nalalapit na ang pagpoproklama sa kanya bilang bagong Presidente ng Pilipinas hinamon niya sa isang debate ang mga obispo na bumatikos sa kanya.
Diretso pa niyang sinabi na ilalantad niya ang mga kasalanan ng simbahan. Kung sisimulan niya daw ang pagbabanggit ng mga pangalan ng obispong ikinasal o yung mga nagkaroon ng mga babae sa kanilang buhay ay sasabog daw ang simbahang katoliko.
Tinawag niya ding “the most hypocritical institution” ang simbahang Katoliko at inakusahan sa ilang korapsyon para sa paghingi ng ilang pabor sa mga kandidato ay isa na umano siya dito.
Nagmura din si Presidente Duterte at tinawag na ‘sons of bitches’ at sinabing sila umano ang nakikinabang sa pera ng mga tao habang ang mga mahihirap at nananatiling dilat ang mata sa gutom at walang pambili ng gamot.
Pinuna niya din ang pagtutol ng simbahan sa ‘family planning’. Hindi daw ito ang sagot sa ating problema.
“It will do us good. Mas maraming magawa ‘yan, walang kasamaan ‘yan. Ako naman, I said, I am a Christian but I am a realist and we have to do something about overpopulation,” sabi ni Duterte.
Ang mga ideya ay isinulat 2000 taon na ang nakakalipas. Hindi na daw ito tumutugma sa ating lipunan.
Mas dapat daw pagtuunan ay ang paghihirap na dinaranas sa mundong ito.
Naniniwala daw siya sa Diyos ngunit hindi sa relihiyon. Hindi daw umuusad ang ‘family planning program’ dahil ang mga lider ng ating bansa ay laging sumasangguni sa paniniwala ng simbahan.
Sa Davao ay ipinatutupad nila ang family planning kung saan namimigay pa sila ng libreng contraceptives.
“Yung mga tao dito sa Pilipinas walang makain, walang medisina you were enjoying the money of the god**** people of the Philippines. P***** i** kayo! ‘Di na kayo nahiya niyan? Tapos kung magsalita kayo, akala niyo kung sino?” sabi ni Duterte.
May sarili tayong opinyon at paniniwala pero hindi naman ito dahilan para hindi natin igalang ang paniniwala ng ating mga kababayan lalo na ng alagad ng Diyos.
Nangako si Duterte na babantayan niya na ang kanyang mga sasabihin at babawasan ang pagmumura sa publiko. Lalo pa’t naririnig siya at napapanood ng mga kabataan.
Hindi ba mas mabuting pag-usapan na lamang ito ng personal?
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.