WALANG naging pag-unlad ang sector ng agrikultura sa Aquino administration. Kahit nagtalaga pa siya ng dalawang Agriculture secretaries sa katauhan nina Proceso Alcala at Francis “Kiko” Pangilinan, wala ring naabot at patuloy na umangkat ng bigas ang bansa. Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong 2010, sinabi ni Aquino, “Sa agrikultura, makapagtatayo na tayo ng mga grains terminals, refrigeration facilities, maayos na road networks at post-harvest facilities. Kung maisasaayos natin ang ating food supply chain sa tulong ng pribadong sektor, sa halip na mag-angkat tayo ay maari na sana tayong mangarap na mag-supply sa pandaigdigang merkado.” Ganito naman ang sinabi niya sa SONA 2011: “Hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit ng maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa irigasyon.”
Walang nagkatotoo rito. Bukod sa hindi naging produktibo ang mga palayan dahil sa kawalan ng patubig, magandang binhi at tulong sa mga magsasaka, nilumpo rin ng mga rice smugglers ang local na magsasaka. Nawalan ng saysay ang pagpapakuba ng mga magsasaka sapagkat sa halip na ang bilhin ay ang kanilang ani, ang smuggled na bigas mula China ang nasa merkado. Mas mura kasi ito. Naging kawawa ang mga magsasaka na walang napakinabang sa sariling ani sapagkat inagaw ng smugglers.
May pangako naman ang paparating na bagong Agriculture secretary na si dating North Cotabato Governor Emmanuel Piñol na magiging kakaiba ang sector ng Agrikultura sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nang kapanayamin si Piñol ukol sa kanyang mga gagawin, sisiguruhin niyang magkakaroon ng affordable food ang mga Pilipino. Ito raw ang marching order sa kanya ni incoming president Rodrigo Duterte.
Maraming nag-e-expect sa Duterte government na mapauunlad ang sector ng agrikultura at makakalaya na sa pag-angkat ng bigas ganundin sa mga salot na rice smugglers.