BALAK ni incoming president Rodrigo Duterte na wala nang uniform ang mga estudyante sa pampublikong paaralan. Bawas gastos daw sa mga magulang kung wala nang uniporme ang mga bata. Malaki rin daw ang matitipid kung naka-plain clothes na lang mga estudyante.
Bagamat marami ang sumasang-ayon sa balak ni Duterte, marami rin naman ang tumututol sa balak. Mas maganda raw kung pananatilihin na naka-uniporme ang mga bata sapagkat nakikita ang kaayusan sa mga mag-aaral. Kung plain clothes lang ang suot araw-araw baka mas magastos pa ito kumpara kung naka-uniporme. Kailangang mag-produce ng limang plain clothes ang magulang samantalang kung may dalawang pares ng school uniform ang bata, puwede nang pampasok. Maganda pang tingnan ang mga bata kung pare-pareho ang suot.
Mas maganda kung naka-proper school attire ang mga bata sapagkat naroon ang respeto sa institution. Ang school ay dapat binibigyang galang sapagkat dito nag-uugat ang karunungan. Malaking epekto sa mga bata ang paghukay ng kaalaman kung nasa wasto o tama ang attire.
Sabi ni DepEd Secretary Armin Luistro, talaga namang ang “no school uniform” na balak ni Duterte ay nakasaad na sa polisiya ng tanggapan sa ilalim ng DepEd Order No. 45 Series of 2008. Nakasaad na hindi nire-require ang mga estudyante na magsuot ng uniporme at maaaring isuot kung anuman ang existing na uniporme ayon sa kanilang kagustuhan. Pero ayon kay Luistro mayroon din namang pinalabas na guidelines ang kanyang tanggapan sa kagandahan nang may tamang school attire at nasa ilalim ito ng DepEd Order No. 46, Series of 2008.
Panatilihin na ang school uniform sa mga bata. Maayos silang tingnan kung naka-uniporme at madali rin silang makikilala. Huwag nang baguhin ang patakaran ukol sa school uniform.