IISANG itsura ng damit at parehong nakasuot ng kulay itim na sapatos. Dito tayo sanay kapag pumupunta tayo sa mga paaralan.
Pambili ng sapatos, bagong uniporme, notebook, bayad sa eskwelahan, baon ng mga bata at pambili ng mga libro. Ilan lang ito sa mga iniisip ng bawat magulang pagdating ng pasukan.
Madalas nating marinig na igagapang nila ang edukasyon ng kanilang mga anak. Ang karunungan ay ang tanging yaman na hindi mananakaw ng kahit na sinuman.
Para sila’y matulungan at maibsan ang gastos na ilalaan sa pag-aaral ng mga bata binabalak ni Presumptive President Rodrigo Duterte na tanggalin na ang pagsusuot ng uniporme sa mga pampublikong paaralan.
Kung iisipin mo totoong makakabawas sa gastos ng magulang ito kung unang beses pa lang papasok sa eskwelahan ang mga bata pero sa mga dati ng naka-enroll magagamit pa din nila ang lumang uniporme. Hindi naman taun-taon kailangang bumili ng bagong uniporme.
Sari-saring reaksyon ng mga tao tungkol dito. May umayon na makakatipid nga sila pero marami din naman ang hindi naging pabor.
May nagsabi na hindi sila pabor dito dahil iisipin pa nila ang susuotin ng kanilang mga anak araw-araw sa halip na magsuot na lang ng uniporme. Sa dalawang pares lang ng uniporme na pag-aari ng bawat estudyante ay maitatawid na nila ang isang linggong pagpasok.
Kung aalisin din ang pagsusuot ng uniporme sa mga pampublikong paaralan ano ang magi-ging batayan natin kung ang mga batang ating nakakasalubong ay estudyante o hindi.
Kagaya na lang sa mga lugar na ipinagbabawal ang mga estudyante kung panahon ng klase. Paano sila makikilala kaagad?
May panahon na hindi pwedeng pumasok ang mga estudyanteng nakauniporme sa mall at tinatanong pa ng gwardiya kung anong oras ang pasok nila bago sila hayaang makapasok. Hinihingan pa ng mga ito ng I.D bilang patunay.
Hindi kaya mas dumami ang mga magbubulakbol dahil hindi naman kaagad sila maiituro na sila’y mga estudyante pa lang? Malayang-malaya silang magpunta kung saan nila gustuhin.
Mismong si Presidente Duterte na ang nagsabing malaki ang ilalaan nilang pondo para sa edukasyon. Bakit hindi na lang niya isali na mabigyan ng libreng uniporme ang mga bata?
Makakabawas pa ito sa gastusin ng mga magulang at mas maayos silang tingnan kapag nasa loob ng eskwelahan. Yun bang dalawang uniporme bawat bata ay ipagkakait pa natin sa kanila? Bakit natin pagtitipidan ang uniporme ang mga bata lang ang magiging kawawa dito.
Isa din sa dapat pagtuunan ng pansin ay ang sobrang paniningil ng mga pampublikong paaralan.
Kapag sinabi mong pampubliko maiisip mo kaagad na libreng edukasyon para sa mahihirap. Pero bago matapos ang taon o sa pagsisimula pa nga lang ng taon ay may sinisingil na sila sa bawat estudyante.
Napakahalaga ng edukasyon para sa ating mga anak kaya nga kumakayod tayo ng husto mapag-aral lang sila dahil tanging ito ang magiging daan nila para magkaroon ng magandang kinabukasan.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.