Aso, iniligtas ang 7-anyos na bata sa makamandag na rattle snake

SI Haus ay isang German Shepherd na kinupkop ng Deluca family mula sa isang animal shelter sa Florida, USA.

Ngayon ay pinapasalamatan ng pamilya si Haus at itinuturing itong isang bayani matapos nitong iligtas ang 7-taong gulang na miyembro ng pamilya na si Molly mula sa makamandag na rattlesnake.

Nangyari ang insidente nang minsang naglalaro si Molly sa bakuran ng kanilang tahanan sa Tampa, Florida. Napansin na lang ng lola ni Molly na nagtatatalon si Haus habang kalapit si Molly.

Tumatalon pala si Haus dahil hinaharangan nito si Molly mula sa isang Eastern diamondback rattlesnake. Sa kabila ng pagtuklaw sa kanya ng makamandag na ahas ay hindi umalis si Haus mula sa tabi ng bata.

May kapalit naman ang naging kabayanihan ni Haus dahil malaking pinsala ang kanyang natamo mula sa kamandag ng rattlesnake. Kinailangan siyang itakbo sa ICU kung saan napag-alamang muntik nang bumigay ang kanyang kidney dahil sa tindi ng kamandag na dumaloy sa kanyang katawan.

Sa kabutihang palad ay marami ang nagmagandang loob at nagbigay ng donasyon sa pamilya Deluca para sa ikagaga-ling ni Haus. Araw-araw kasi ay gumagastos ng hindi bababa $1,000 hanggang $2,000 (katumbas ng humigit-kumulang P44,000 hanggang P88,000) ang pamil­ya dahil sa mahal ng ospital at gamot sa kamandag ng ahas. Mabuti na lamang at nakalikom ng $50,000 ang pamilya mula sa mga donasyon.

Inaasahan namang makapapagpagaling ng lubusan si Haus.

Show comments