‘Dikitan’

KARAHASAN...may tinambangan, may namatay. Naantala tuloy ang botohan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Maayos at tahimik ang naging eleksyon sa ibang lugar sa Pilipinas pero sadyang may mga lugar sa bansa na mainit ang mga nagtutunggaling panig.

Matitigan lang suntukan na, makanti lang saksakan na. At hindi magtatagal mga armadong lalaki na ang papasok.

May naiulat na nasaktang ‘watcher’ ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at may mga nahu-ling may dalang armas na bawal sa eleksyon.

May tinambangan, namatay at residenteng nasugatan sa ilang presinto sa Visayas at Western Mindanao. Idineklara nung May 9, 2016 ng Commission on Elections (Comelec) na pansamantalang itigil ang botohan.

Karapatan ng bawat Pilipino na pumili ng susunod na lider at manunungkulan sa pamahalaan. Hindi magiging kompleto ang bilangan hangga’t hindi nakakaboto ang ilan nating kababayan sa naantalang lugar.

Sa araw na ito itinakda na ituloy ang pagboto ng mga residente sa 52 cluster precincts. Tinatayang 17, 562 ang rehistradong botante sa mga lugar na ito.

Napagdesisyunan ito matapos ibaba na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alert status sa blue maliban sa labing isang bayan na nanatiling mataas ang alert level.

Nakahanda naman ang AFP na magbantay sa mga presintong pagdadausan ng botohan para matuloy na ito at  mabilang ang boto sa mga lugar sa Visayas at Western Mindanao.

Kumpara sa labanan ng kandidato sa pagka-Presidente na milyon ang lamang ng nangunguna kaysa sa pumapangalawa sa kanya.

Dikit ang laban sa pagka-bise Presidente at ilang daang libo lang ang lamang ni Congresswoman Leni Robredo ng LP at kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng NP. Hindi pa nabibilang ang lahat ng boto.

Kanino nga ba mapupunta ang bilang ng local absentee voting at overseas absentee voting?

Tinatayang milyon ang aabutin nito. Kapag hindi pa natapos ang pagbilang sa lahat ng boto hindi pa pwedeng maging kampante ang mga nangunguna lalo na kung ilang libo lang ang lamang.

Malaking posibilidad na hatakin nito ang isang kandidato paakyat o manatiling siya pa din ang mangunguna sa botohan kung sa kanya pumanig ang mga botong hindi pa nabibilang ng PPCRV.

 Lahat tayo nakaabang, lahat tayo nakabantay sa telebisyon, dyaryo at radyo sa paghihintay kung sino ang idedeklarang uupo sa posisyon. Sino nga ba ang iniluklok sa pagka-bise Presidente.

 

PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

Show comments