Nakaraos na ang halalan.
Pero malamang hindi pa rin dito matatapos ang mga bali-taktakan ng mga pulitiko.
Hangga’t hindi pa opisyal na naidedeklara ng Comelec ang mga nanalo sa mga posisyon, kabi-kabila ang ngawa ng mga kumandidato.
Kahit na nga maideklara pa kung sinu-sino ang mga nanalo sa eleksyon, marami pa rin dyan ang maghaharap ng protesta.
Bagamat may ilan na tatanggapin ang kanilang pagkatalo, mas marami dyan ang lalong mag-iingay at magsasampa ng kanilang protesta.
Parang hindi na tayo nasanay sa takbo ng eleksyon sa bansa.
Mula pa lang sa kampanya, alam na natin ang istilo.
Kampanya pa lang eh hindi na plataporma ang madalas na nailalatag kundi ang pagwasak sa kanilang katunggali.
Sa araw mismo ng halalan, nandyan na ang mga pag-aakusahan ng kung anu-ano kaya madalas pagsimulan ng kaguluhan.
At matapos ang bilangan at nagdeklara na ng mga nagwagi, nandyan ang tadtad na election protest na isinasampa.
Pero eto ha, ngayong tapos na ang eleksyon pwede ba namang unahin ay ang paglilinis sa paligid o pagwalis sa kalat na dulot ng halalan.
Sana kung paanong ang sisisipag ng mga supporters ng mga kandidato sa pagkakabit noon ng kanilang mga campaign materials, sana naman eh magkusa na rin sila ngayon na tumulong sa pagbabaklas at paglilinis ng kanilang mga isinabit at idinikit na mga campaign materials.
Dito makikilala at masusubukan ang mga may pakiaalam na kandidato at yung mga walang paki sa dumi na likha ng halalan.
Sana ay tumulong sila sa paglilinis nito, wag nang iasa pa sa iba.
Magkakaalaman kung sino ang mga pulitikong disiplinado.