KAPAG nangunguna tuwang-tuwa at puro magagandang salita ang maririnig pero kapag nahuhuli na ay sumisigaw ng ‘lutong macaw’.
Karamihan sa mga natatalo sa eleksyon sumisigaw na sila’y dinaya. Iilan lang ang marunong tumanggap sa naging hatol sa kanila ng taong bayan.
Utang na loob naman Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nung lumalamang ka at nangunguna hindi ka nagrereklamo ngayong dumidikit na sa ‘yo si Leni Robredo umaangal ka na.
Para wala ka ng masabi at makita mo at ng iyong mga tauhan ang aktuwal na pagbilang ng mga boto, binigyan ka na ng mesa sa loob ng PPCRV.
Pinatunayan nila sa inyo ang patas nilang pagbilang sa mga botong nakarating sa kanila mula sa iba’t-ibang presinto sa buong bansa.
Maging sa ibang partido o kandidato ay bukas din sila na magbantay sa PPCRV para ipakitang wala silang itinatago at ginagawang kababalaghan tulad ng ibinibintang ng nakararami.
Ibinabato niyo sa LP na sila ang nasa likuran ng pag-angat ni Leni at sinasabing dinaya nila ito. Kung mandadaya lang din naman ang LP hindi kaya kay Mar Roxas nila ito gagawin?
Presidente ang tinatakbuhan ni Mar at di hamak na mas makapangyarihan ito kaysa sa tinatakbuhan ni Leni.
Maganda ang sinabi ni Leni Robredo na nagsimula siya sa mga survey na single digit lang. Nahuhuli ang kanyang pangalan sa mga tumatakbo sa pagka-bise Presidente nung simula ng pangangampanya.
Naniwala siya sa mga ito. Walang gaanong nakakakilala sa kanya hanggang sa unti-unti itong tumaas.
Nadaan sa sipag ang lahat dahil nakita ng mga tao ang totoong pagkatao ni Leni. Pinatunayan niya ang kanyang sarili at inilatag niya ang kanyang plataporma. Dito nasalamin ng mga Pilipino ang kanyang malasakit sa bansa at sa kapwa Pilipino.
Pasalamat ka nga Bongbong na ang dami mong nakuhang boto kahit na marami kang dalang bagahe dahil sa mga pinaggagawa ng nanay at tatay mo nung Martial Law.
Ilang ulit naming binanggit sa aming pitak bago ang eleksyon ang mga survey ay hindi pwedeng maging batayan kung sino ang mananalo dahil ang totoong paghatol ay pagdating na ng mismong araw ng halalan.
Ito ang hirap sa ating mga Pilipino, lalahok tayo sa isang eleksyon kapag nanalo tayo pana’y puri sa Commission on Elections (Comelec) at pasasalamat sa taong bayan. Kapag natalo tayo sinasabing dinaya tayo at sinisisi ang Comelec.
Dapat marunong tayong tumanggap ng pagkatalo dahil bandang huli hindi magandang tingnan na tayo ay isang reklamador.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at gumagana din po ang aming direct line sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.