‘Modus sa lansangan’

PALARUAN ng mga kriminal ang lansangan.       

 Binabalaan ang publiko, mag-ingat sa mga nagkalat na demonyo sa lupa. Mga indibidwal at grupo ng mga sindikatong nag-aabang lagi ng oportunidad para makapambiktima.

 Gamit ang kanilang mga estilo at estratehiya, naisasagawa nila ang kanilang modus.

 Sa mga nagagawi sa mga pampublikong lugar kung saan dagsaan ang mga tao, doble ingat. Baka kasi namo-modus na kayo nang hindi ninyo namamalayan. Ang tanging kasalanan n’yo lang, salat kayo sa kaalaman.

 Alam ng mga sindikato ngayon na mas maraming tao ang nasa labas kaya kanya-kanya sila ng diskarte.

 Nandiyan ang gasgas nang budol-budol, laglag-barya, dura, bubble gum o chewing gum gang at iba pang mga kauring street crime modus kung tawagin.

 Lahat ng mga ito, isinasagawa sa mga matataong lugar tulad ng mga siksikang terminal, pampublikong sasakyan, mga bus, jeep at FX. Oras na malingat kayo, doon na nila isinasagawa ang modus.

 Hindi pa rito kasama ang mga maliliit na krimen o petty crime kung tawagin. Mga pananalisi, pagnanakaw, pang-i-snatch o panghahablot ng gamit at pang-hoholdap.

 Kaya sa mga mahihilig rumampa sa mga lansangan, laging maging ‘lerto at ‘listo.

 Tulad nang lagi kong sinasabi sa BITAG Live, mas mabuti nang maging praning kaysa umuwing luhaan.

 Bagamat maraming mga pulis ngayon ang naka-deploy sa mga lansangan dahil sa mga checkpoint kaugnay ng eleksyon, hindi ito garantiya na ligtas na kayo sa bitag ng mga halang ang bituka.

 Ipakalat ang babalang ito sa inyong mga kaanak, kapamilya, kaibigan at kakilala bago pa sila mapasama sa estatistika.

 Nasa BITAG ang babala, nasa inyo ang pag-iingat!

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang episode mag-log on sa BITAG YouTube Official channel sa youtube.com/user/bitagvideos.  

 

 

 

Show comments