OTWOLISTA ang tawag sa mga fans nina Nadine Lustre at James Reid na sumubaybay sa teleseryeng On The Wings Of Love. Ang OTWOLISTA ay mula sa OTWOL, initials ng titulo ng teleserye.
Ang nanay ko ay 79 years old pero guwapong-guwapo siya kay James Reid. Bukod dito, mukha raw mabait na bata si James. Gustung-gusto naman niya ang kasimplehan ni Nadine na mukha rin daw mabait na bata.
Paulit-ulit niyang sinasabi sa amin na ipaalala sa kanya ang TV special na “JaDine Flying High on Love Special,” a four-part special na ipapalabas sa April 10. Hindi raw niya mapapatawad ang kanyang sarili kapag hindi niya ito mapapanood.
Kapag may episode akong hindi napanood noong tumatakbo pa ang OTWOL, tatawagan ko lang ang aking ina para siya ang magkuwento kung ano ang nangyari sa episode na nakaligtaan kong panoorin. Tinatamad akong manood sa I Want TV. Maga-ling namang storyteller ang aking ina kaya para na rin akong nanonood ng TV habang nagkukuwento siya. Sa totoo lang, kaya lang siya nakakapagtiyagang manirahan sa ibang bansa ay dahil sa TFC. Tanggalin mo sa kanya ang subscription ng TFC, para mo na rin daw siyang tinanggalan ng isang meal sa maghapon.
Noong bata pa kami, sa sobra siyang abala sa paghahanapbuhay, walang kaalam-alam sa showbiz ang aking ina. Isa pa, wala kaming TV at wala rin kaming pambili ng fan magazine kung saan mababasa ang mga balita tungkol sa mga artista. Ang presyo ng magazine noon ay katumbas ng ilang salop na bigas. Akala niya noon ay wala siyang hilig sa artista pero hindi pala. Sa showbiz pala niya matatagpuan ang kanyang pinagkakalibangan sa kasalukuyan.